Ano Ang Alamat? Filipino Wika Question (TAGALOG)

ANO ANG ALAMAT: Ano ang kahulugan ng alamat? Alamin dito! Mga elemento at halimbawa ng alamat atbp! - Filipino Wika Question (TAGALOG)

***TUKLASIN SA IBABA***

Ano ang Alamat Buod

Ang akda ay tungkol sa kung ano ang kahulugan ng alamat. Mababasa ang iba’t-ibang mga halimbawa, mga elemento at mga bahagi ng alamat upang lubos itong maintindihan.

Naghahanap ka ba nang mas malinaw na sagot sa tanong na, “Ano ang alamat?”

Nais mo bang sagutin ang takdang aralin patungkol sa alamat o sumulat ng alamat na nais mong ibahagi sa iba?

Kung ganoon, nasa tamang lugar ka. Basahin ang akdang ito upang lubos na maintindihan ang kahulugan ng alamat.

Ano ang Alamat: Kahulugan, mga Elemento, mga Bahagi, mga Halimbawa

Ano ang ibig sabihin ng alamat? Ito ay isang uri ng panitikang Pilipino o klase ng kuwento. Ang Ingles ng alamat ay legend o folklore. Madalas nitong salaysayin ang pinagmulan ng mga sumusunod:

  • Bagay-bagay tulad ng prutas, bundok o bulkan
  • Lugar o lalawigan
  • Kaganapan o pangyayari

Anong ang Bersyon at Paksa ng Alamat?

Ang alamat ay salin-saling kuwento kaya’t walang sinuman ang makakapag-angkin nito.

Bawat lugar ay may kanya-kanyang alamat, at may kaniya-kaniyang bersyon ng pagsasalaysay. Madalas, ito ay tumatalakay sa isang paksa na maaring kapulutan ng mahahalagang aral.

Ang paksa ng alamat ay maaring tumatalakay sa kapiligiran, kultura, o kaya naman mga magagandang asal tulad ng pagiging matapat, masunurin o mabait. Maari ring negatibo ang pangunahing paksa na magwawakas sa positibong paraan.

Ano ang Elemento ng Alamat?

May pitong elemento ang isang alamat na nahahati sa iba’t ibang bahagi sa kuwento. Kagaya ng ibang kuwento, ito ay may mga tauhan, tagpuan, tunggalian o problema, saglit na kasiglahan, kasukdulan, kakalasan, at katapusan.

Ang tauhan ay tumutukoy sa mga bida o kontrabida samantalang ang tagpuan ay kung saan at kung anong panahon nangyari ang alamat.

Ang saglit na kasiglahan ay ang pagtatagpo ng mga tauhan na siyang maaring pagmulan ng suliranin sa kuwento.

Ang tunggalian ay ang pakikipagsapalaran ng mga tauhan upang lutasin ang problema. Samantalang, ang kasukdulan ay pagsasalaysay sa mga ipinaglalaban ng mga tauhan. Ito ay ang pinakadramatikong parte.

Ang kakalasan ay ang pagbagal ng kuwento at ang batayan para sa wakas. Ang katapusan ng alamat ay maaring malungkot o masaya. Isinasaad sa katapusan kung natalo o nanalo ang mga pangunahing tauhan.

Ano ang Bahagi ng Alamat?

Simple lamang ang mga bahagi ng alamat o kuwento. Ito ay:

  • Simulang bahagi – tumutukoy sa mga tauhan at tagpuan
  • Gitnang bahagi – sinasalaysay ang tunggalian, saglit na kasiglahan at kasukdulan
  • Wakas – ibinabahagi ang kakalasan at katapusan

Ano ang Halimbawa ng Alamat?

  • Alamat ng Pinya
  • Alamat ng Makahiya
  • Alamat ng Makopa
  • Alamat ng Mt. Makiling
  • Alamat ng Ampalaya
  • Alamat ng Bulkang Mayon

Konklusyon

Ang alamat ay sumasalaysay sa isang pangunahing paksa upang magbigay aral sa magbabasa o makakarinig sa kuwento.

Maraming salamat sa pagbasa ng akdang ito. Kung nais mong makabasa ng isang halimbawa, basahin ang alamat ng pinya o kaya naman ang alamat ng ampalaya.O kaya naman, basahin mo ang artikulo patungkol sa ano ang alamat at ang pagkakaiba nito sa iba pang panitikang Pilipino. Nawa’y may natutunan kayo sa ibig sabihin ng alamat.