Alamat Ng Ibong Adarna

ALAMAT NG IBONG ADARNA:

***TUKLASIN SA IBABA***

Alamat ng Ibong Adarna Buod

Ang alamat ng Ibong Adarna buong kwento ay may dalawang bahagi. Ang buod ay tungkol sa pakikipagsapalaran ni Prinsipe Juan kasama ng kanyang mga kapatid at ang maalamat na ibong Adarna.

Ang unang bahagi ay tungkol sa pakikipagsapalaran ni Prinsipe Juan at paghahanap niya sa maalamat na ibon. Ang pangalawang bahagi ay tungkol sa:

Ang Alamat ng Ibong Adarna: Unang Bahagi

Sa kaharian ng Berbania, namumuno ang isang hari at reyna. Sina Haring Fernando at Reyna Valeriana ay biniyayaan ng tatlong anak na lalaki.

Ang mga anak ay sina Prinsipe Pedro, Prinsipe Diego at Prinsipe Juan. Isa sa kanila ay hahalili sa hari base sa tapang, talino at ugali subalit si Prinsipe Juan ang kinagigiliwan ng hari.

Masamang Panaginip

Isang gabi, nanaginip si Haring Fernando. Pinaslang daw si Prinsipe Juan ng dalawang traydor. Pagkagising, nabalisa ang hari. Ayaw niyang matulog o mamahinga dahil sa takot.

Nagkasakit ang hari sa sobrang pag-iisip, pagkabalisa at pagkatakot. Lahat ng manggagamot sa kaharian at maging sa karatig na kaharian ay ipinatawag upang gamutin ang hari. Ngunit wala sa kanila ang nakagamot sa hari.

Natatanging Lunas

Iminungkahi ng isang matandang manggagamot na ang isang maalamat na ibon ang maaaring makagamot kay Haring Fernando. Unang ipinadala ng hari si Prinsipe Pedro upang hanapin ang Ibong Adarna.

Humantong si Prinsipe Pedro sa isang gintong puno. Hindi alam ng prinsipe na ito ay ang pahingahan ng Ibong Adarna. Namahinga ang prinsipe sa ilalim ng puno. Nakatulog ito at siya namang pagdating ng Ibong Adarna upang mamahinga.

Maganda Subalit Mapanganib

Sa tuwing gabi, nakaugalian ng Adarna na umawit ng pitong kanta. Dahil malamyos ang tinig nito, lalong nahimbing sa pagtulog ang prinsipe.

Dumumi ang ibon pagkatapos ng huling awit nito at bumagsak ang tae nito sa prinsipeng tulog. Naging bato ang prinsipe.

Lumipas ang araw at buwan. Nang magpagtanto ng hari na hindi na babalik si Prinsipe Pedro, si Prinsipe Diego naman ang kanyang inutusan. Ganoon din ang nangyari sa prinsipe.

Ayaw man ng hari, napilitan ang hari na utusan si Prinsipe Juan na hanapin ang Ibong Adarna nang hindi na bumalik si Prinsipe Diego.

Tulong ng Ermitanyo

Sa paglalakbay ng prinsipe, nakasalubong siya ng matandang ermitanyo. Tinulungan niya ito nang humingi ng pagkain. Sa kanilang kuwentuhan, nabanggit ng binata ang kanyang sadya sa lugar na iyon.

Bilang kabayaran, pinayuhan ng ermitanyo si Prinsipe Juan kung ano ang mga dapat niyang gawin. Binigyan nito ang binata ng labaha at pitong kalamansi.

Pitong Kalamansi, Pitong Sugat

Kailangang sugatan ni Prinsipe Juan ang kanyang palad o kamay sa bawat kantang aawitin ng ibong adarna. Ang bawat sugat ay dapat patakan ni Juan ng kalamansi upang magising siya sa hapdi.

Binigyan din ng ermitanyo ang prinsipe ng gintong lubid para panghuli sa ibon at balde para pangsalok ng tubig.

Tagumpay na Paghuli

Nagtagumpay si Prinsipe Juan sa paghuli sa ibong adarna. Bago siya tuluyang umalis, sumalok siya ng tubig sa isang balon malapit sa gintong puno.

Ang tubig ay ibinuhos niya sa dalawang estatwa para mawala ang sumpa sa dalawang kapatid niya. Pabalik na sila sa kaharian nang maisipan nang dalawang nakakatandang kapatid na agawin ang ibong adarna kay Prinsipe Juan.

Masamang Balak

Si Prinsipe Pedro ay naisip niyang patayin na lamang si Juan ngunit hindi sumang-ayon si Prinsipe Diego. Iminungkahi nitong bugbugin lamang nila at iwan sa kakahuyan.

Dinala nina Pedro at Diego ang ibong adarna at sinabi sa hari na sila ang nakahuli. Nagsinungaling din sila tungkol kay Juan. Sinabi nila na wala silang alam kung ano ang nagyari kay Juan. Ang hindi alam ng dalawa ay hindi kakanta ang ibon kung wala ang taong nakahuli sa kanya.

Di-inaasahang Tulong

Samantala, si Juan ay nasa bingit ng kamatayan. Kahit gayunpaman, nagawa pa rin niyang magdasal para sa kaligtasan ng hari at magpatawad sa traydor niyang mga kapatid. Dumating ang ermitanyo na tumulong din sa kanya. Ginamot siya at pinagyaman.

Bumalik si Juan sa kaharian nang siya ay gumaling na. Lahat ay masaya sa pagbabalik ni Juan mabalin kina Diego at Pedro. Kinakabahan sila sa maaring isumbong ni Juan.

Katotohanang Nabunyag

Nag-umpisang umawit ang ibong adarna nang makita nito si Juan. Walang sinabi ang prinsipe sa tunay nangyari pero ang ibong adarna ang nagkanulo sa dalawa sa pamamagitan ng mga awitin. Sinabi nito ang katotohanan.

Nagalit si Haring Fernando sa nalaman. Nais niyang ipatapon at alisan ng karapatan sa trono sina Diego at Pedro. Humingi sila ng tawa kay Juan at sa hari.

Isa Pang Pagkakataon

Dahil likas na mapagpatawad, pinigilan ni Juan ang plano ng hari. Sinabing bigyan pa ng isa pang pagkakataon ang dalawa. Sa susunod na may gagawing kasalanan ang dalawa, kamatayan na ang parusa.

Nagging masaya ang lahat. Ang ibong adarna ay umaawit ng mga magagandang kanta. Lubos na iningatan ang ibon at parang itinuring na parte ng pamilya. Kaya naman inatasan ng hari na bantayan ng mga prinsipe ang ibon. Bawat isa sa kanila ay maglalaan ng tatlong oras.

Paghihiganti

Nais maghiganti ni Pedro kaya’t hinimok muli nito si Diego. Nais nilang linlangin si Juan. Plano nilang pakawalan ang ibon habang si Juan ang bantay upang isipin ng binata na nakawal iyon dahil sa kanyang kapabayaan.

Nagtagumpay ang dalawa. Kaagad na hinanap ni Juan ang ibon at nais niyang mahuli ulit ito bago magising ang hari subalit hindi agad nakabalik ang binata.

Nalaman ng hari ang pagkawala ni Juan at ang ibon. Kaya’y inutusan niya sina Diego at Pedro na hanapin si Juan at ang Ibong Adarna.

Ang Alamat ng Ibong Adarna: Pangalawang Bahagi

Nahanap nina Diego at Pedro si Juan sa Bundok ng Armanya. Naisip nang dalawa na himukin si Juan na doon na lang manirahan. Ayaw nilang malaman ng hari ang kanilang ginawa. Kamatayan na kasi ang sunod na kaparusahan nila.

Isang araw, may nakitang balon ang magkakapatid at naisipa nilang galugarin ang loob nito. Naunang bumaba si Pedro dahil siya ang panganay ngunit hindi nito naituloy dahil sa takot. Sumunod si Diego at ganoon din ang nangyari.

Dalawang Prinsesang Bilanggo

Si Juan na likas na matapang ay narating ang ilalim ng balon. Doon ay nakita niya ang dalawang mahiwagang palasyo. Ang isa ay binabantayan ni Prinsesa Juana subalit bilanggo siya ng isang higante.

Ang pangalawa naman ay si Prinsesa Leonora ang nakatira. Katulad ni Prinsesa Juana, bilanggo din siya ng isang malaking ahas na may pitong ulo.

Natalo ni Juan ang dalawang halimaw kaya’t nakalaya ang dalawang prinsesa. Lumabas siya sa balong iyon kasama ang dalawang dalaga.

Muling Pagtraydor

Agad namang nabighani ang dalawang kapatid ni Prinsipe Juan sa dalawang prinsesa. Si Prinsipe Diego ay kay Prinsesa Juana at si Prinsipe Pedro ay kay Prinsesa Leonora.

Paalis na sila nang mapansin ni Leonora na nawawala ang kanyang mahiwagang singsing. Nagkusa si Juan na kuhanin ang singsing sa ilalim ng balon. Nagkatinginan sina Diego at Pedro at naisip nilang ilaglag si Juan kapag nasa kalagitnaan na ito ng pagbaba.

Ang Lobo

Sinabi nang dalawa na nagpigtas ang lubid na ginagamit ni Juan. Nalungkot si Leonora kaya’t inutusan niya ang kanyang alagang lobo na balikan si Juan at tulungan. Itinatangi ni Leonora si Juan kaya’t nais niyang makaligtas ang binata sa aksidente.

Bumalik sina Pedro at Diego sa Berbanya kasama ang dalawang prinsesa. Si Prinsipe Diego at Prinsesa Juana ay agad na nagpakasal. Si Prinsesa Leonora naman ay hinilang nito na ipagpaliban ang kasal kay Pedro.

Hindi Makabalik

Masama ang pagbagsak ni Juan sa ilalim na balon ngunit sa tulong nang alagang lobo ni Leonora, siya ay gumaling. Nahanap nito ang singsing at binalak niyang bumalik sa kaharian ng kanyang ama.

Sa kasamaang palad, tila hindi niya maalala ang daan pabalik. Sa kanyang pamamahinga, muling dumating ang Ibong Adarna.

Umawit ito ng tungkol kay Leonora at sa paghihintay ng dalaga sa kanyang pagdating. Subalit, sinabi ng ibon na kalimutan na lang niya si Leonora dahil may mas maganda rito, si Prinsesa Maria Blanca ng kahariang Delos Cristales.

Paglalakbay Patungong Delos Cristales

Nahirapan si Prinsipe Juan sa kanyang paghahanap sa Kaharian ng Delos Cristales. Tila walang nakakaalam kung saan ito naroroon ngunit sa tulong ng isang ermitanyo nalaman niya kung paano mararating ang lugar.

Ang ermitanyo ay may alagang hayop at isa ay agila. Ang agila ay alam kung saan iyon kaya’t pinakiusapan ng ermitanyo na samahan si Juan papunta sa lugar. Mahaba-haba ang ginawa nilang paglalakbay pero narating din nila ang kaharian.

Bago siya iniwan ng agila, sinabi nito ang mga dapat niyang gawin. Ang namumuno sa kaharian ay isang haring marunong sa salamangka. May tatlong anak ang hari na pawang marunong din sa mahika.

Madalas maligo ang mga dalaga sa lawa kaya’t dapat magtago siya at huwag magpapakita. Pagkatapos ang huling habilin ay lumipad na ang agila palayo sa lugar na iyon.

Unang Pagkikita

Tunay ngang nakakabighani ang ganda ng mga prinsesa. Tulad ng bilin ng agila, nagtago si Juan sa mga batuhan ngunit hindi siya nakatiis. Nais niyang makadaupang palad si Maria Blanca. Itinago niya ang damit ng dalaga.

Nakaalis na ang dalawang kapatid ni Maria Blanca ngunit ang dalaga ay hindi pa rin mahanap ang kanyang damit. Agad namang nagpakita si Juan para humingi ng paumanhin. Sa oras ding iyon, sinabi ng binata ang kanyang nararamdaman.

Babala

Napangiti si Maria Blanca sa tapang ng loob ng binata kaya’t itinuro niya mula sa kanilang kinaroroonan ang mga estatwang nakikita niya. Sinabi niya na iyon ay mga manliligaw niya at ng kanyang mga kapatid. Naging mga estatwa sila dahil hindi natupad ng mga manliligaw ang mga pinapagawa ng hari.

Matapang ang loob na tinanggap ni Juan ang hamon sa pagkuha sa kamay ni Maria Blanca. Kaya naman sinabi ni Maria Blanca ang dapat gawin ng binata. Anumang ipagawa ng hari ay dapat niyang malaman upang matulungan niya ito.

Mga Pagsubok

Lahat ng pagsubok na sinasabi ng hari ay agad na sinasabi ni Juan kay Maria Blanca. Bawat pagsubok ay nalampasan nilang dalawa sa tulong ng mahika blanca ni Maria.

Nakapagdesisyon ang hari na ipaubaya ang isang anak niya kay Juan. Si Maria Blanca ang napili ng binate subalit nagalit ang hari dahil si Maria ang paborito niyang anak. Nagplano ang hari na ipatapon si Juan sa malayong lugar subalit nagtanan sina Juan at Maria.

Nalaman ng hari ang kanilang ginawa kaya’t nagwika siya ng isang sumpa. Isinumpa ng hari na kakalimutan siya ni Juan at magpapakasal sa iba. Narinig iyon ng dalaga.

Pagbalik sa Berbania

Bumalik si Juan sa kaharian ng Berbania kasama si Maria Blanca. Habang daan ay nangangamba si Maria Blanca na maaaring magkatotoo ang sumpa. Kaya’t nang iminungkahi ni Juan na siya ay iwan muna ay nabahala siya.

Nais kasi ng binata na mauna upang masabihan niya ang kanyang magulang tungkol sa dalaga. Nais niyang maghanda ang buong kaharian sa pagdating ng dalaga.

Pagkalimot

Agad na nalimutan ni Juan si Maria Blanca nang masilayan ng binata si Leonora. Nagkapalagayang loob sila at nagbalak magpakasal.

Nalaman ni Maria Blanca ang kataksilan ng kasintahan kaya’t agad siyang sumugod sa kaharian. Nagpanggap siyang emperatriz. Namangha ang lahat sa kanyang kagandahan. Malugod na tinanggap ni Haring Fernando ang kanyang bisita.

Bilang pagpupugay ay tinanggap ng hari ang suhestyon ni Maria Blanca na magdaos ng isang dula bago ganapin ang kasal. Sa dulang iyon, muling pinaalala ni Maria Blanca ang pinagdaanan nilang dalawa ni Juan sa kamay ng hari ng Delos Cristales.

Pag-alaala

Bumalik lahat ang ala-ala ni Juan sa mga nangyari sa Kaharian ng Delos Cristales. Umurong sa kasal si Juan at sinabing mas nararapat na si Pedro ang humalili kay Haring Fernando.

Sina Juan at Maria Blanca ay bumalik sa Kaharian ng Delos Cristales dahil nalaman nila ang nangyari sa hari. Mas kailangan sila sa Delos Cristales. Nagpakasal silang dalawa na tumagal ng siyam na araw.

Ang kwento ay winakasan ng malamyos na tinig ng Ibong Adarna.

Aral sa Alamat ng Ibong Adarna

Ang pagpapatawad ay susi sa kasiyahan. Iyon ang madalas gawin ni Prinsipe Juan. Madalas siyang traydurin ng kanyang mga kapatid ngunit nagpapatawad pa rin siya.

Walang anumang naidudulot na maganda ang ganid at inggit. Bagkus, ito ay nagdudulot ng hindi magandang kahihinatnan.