MGA NILALAMAN
Alamat ng Kasoy Buod
Ang alamat ng kasoy ay tungkol sa dahilan nang paglabas ng buto nito. Nagbago ang anyo nito dahil sa isang kahilingan.
Noong unang panahon, isang diwata ang namamahala sa mga halaman, prutas, puno at hayop sa kagubatan. Mabait at mapagbigay ito.
Ang Kasiyahan

Isang araw, nagdaos ang diwata ng isang piging. Lahat ay imbitado. Kaya naman, lahat ay nagsipaghanda para sa araw na iyon.
Dumating ang araw ng kasiyahan. Lahat ay nagsasayawan habang masayang tumutugtog ang mga musikero. Tawanan dito, tawanan doon.
Ramdam ang Inggit

Sa lahat ng mga prutas, si Kasoy ay malungkot. Hindi niya kasi nakikita ang mga kasiyahang nagaganap dahil nasa loob siya ng prutas.
Kaya namutawi sa kanyang bibig na sana’y nasa labas siya at nakikita ang kasiyahan. Narinig ng diwata ang himutok ng kasoy kahit abala siya sa piging.
Kahilingan

Nilapitan ng diwata si Kasoy at muling tinanong kung ano ang kanyang nais. Agad namang sumagot ang kasoy. Inulit niya ang kanyang hiluing. Sa isang wasiwas ng diwata, lumabas si Kasoy mula sa kanyang kinaroroonan.
Dahil hindi nasisikatan ng araw, kulay abo ang buto ng kasoy. Lubos ang kasiyahan sa mukha ni Kasoy. Namamangha siya sa mga kulay at liwanag.
Hudyat ng Pagtatapos

Sa gitna ng kasiyahan, napatigil ang diwata sa kanyang pakikipag-usap. Malayo pa man, ramdam na niya ang parating na unos ng kalikasan. Naghudyat siya ng pagtatapos ng piging.
Nagulantang man ay nagtago ang mga hayop. Nagsikapit ang mga halaman sa lupa. Nagdasal ang mga prutas para sa kaligtasan ng lahat.
Lamig ng Bagyo

Ilang minuto pagkatapos ng hudyat ng diwata, bumuhos ang pagkalakas-lakas na ulan. Humihip ang hanging kay lamig.
Dumagundong ang kulog at gumuhit sa kalangitan ang kidlat. Natakot si Kasoy. Nais niya muling pumaloob sa dating kinalalagyan. Subalit, hindi na siya pinakinggan ng diwata.
Nangaligkig sa ginaw si kasoy habang pilit tinatakpan ang mga tenga. Nabibingi siya sa kulog. Magsisi man siya ay huli na ang lahat.
Mula noon, nasa labas na ang buto ng kasoy na siyang nakagisnan na ng mga tao.

Aral sa Alamat ng Kasoy
Makuntento kung ano ang ipinagkaloob sa iyo dahil maaring iyon ang maging proteksyon mo sa marahas na buhay sa mundo.