MGA NILALAMAN
Alamat ng Mansanas
Ang alamat ng mansanas ay tungkol sa isang taong labis kung magtampo at magalit. Dahil sa kanyang ugali, nagawa niyang saktan ang kanyang ama.
Noong unang panahon sa isang bayan ng Antipolo, may mag-amang nakatira sa isang simpleng tahanan. Sila ay sina Alfredo at Mina Sasmundo.
Laging Galit
Sa kabila ng maayos na pagpapalaki sa kanya, lumaki si Mina na tila laging galit at matampuhin. Konting bangga lang sa kanya ay agad siyang nakaangil. Konting tukso ay nagtatampo na siya.
Lagi siyang pinagsasabihan ng kanyang tatay na huwag masyadong nagagalit. Nakakasama iyon sa kalusugan. Biniro pa siya ng kanyang tatay na mabilis na kukulubot ang kanyang mukha kung lagi siyang galit.
Pagmamahal
Nag-uumapaw naman ang pagmamahal ni Mina sa kanyang sa kabila ng pagiging galitin. Dahil sa kanyang ugali, hindi maipakita ng bata ang kanyang labis na pagmamahal.
Sa kabila kasi ng kanyang ugali, lagi pa rin siyang pinagluluto ng kanyang ama. Lagi pa rin siyang nakakatanggap ng regalo kahit walang okasyon.
Pagbubuhat-kamay
Isang araw, naglalaro si Mina kasama ng ibang bata. Sa hindi sinasadyang pagkakataon, nabangga siya ng kanyang kalaro.
Pinalo ni Mina ang kalaro dahilan para magkapasa ito sa mukha at nakita iyon ng kanyang ama. Agad na tinawag ni Mang Alfredo ang anak upang pagsabihan. Napalo pa niya ang anak dahil sumagot ito nang pabalang at pasigaw.
Panaginip
Nagtampo si Mina sa ginawa ng kanyang ama. Ngayon lang siya pinagbuhatan ng kamay. Kaya’t natulog siyang may galit at hinampo. Ni hindi na nagawang kumain ni Mina. Nang gabing iyon, nanaginip siya.
Napanaginipan niya ang isang mahiwagang buto. Natapakan niya raw iyon. Dahil sa kanyang pagtapak, naging pula ang kanyang balat at naging prutas siya. Nahintakutan siya at nagising.
Pamumula
Kaagad na naramdaman ni Mina ang gutom dahil hindi naman siya kumain ng nagdaang gabi. Ginising niya ang kanyang ama upang magluto ng makakain. Dahil antok pa si Mang Alfredo, nasabi niyang si Mina na lamang muna ang magluto.
Nagalit si Mina sa narinig. Sukat doon, namula ang buong mukha niya. Nagawa niyang saktan ang ama para gisingin ito. Hinila niya ang ama dahilan para mahulog ito sa kama.
Naalimpungatan si Mang Alfredo. Lalo siyang nagising nang makita ang anyo ng anak.
“Alam mo, Mina, huwag kang masyadong nagagalit. Tingnan mo, o. Namumula na mukha mo. Mamaya susunod na buong katawan mo.” Sabi ni Mang Alfredo. Bumangon na siya upang ipagluto si Mina.
Mahiwagang Buto
Lalong nagtampo si Mina sa ama. Lumabas siya ng bahay nila upang magpahangin. Tutal malapit naman na ang bukang-liwayway, kaya’t malakas ang loob niyang lumabas.
Hindi na niya inalintana ang gutom. Ayaw niya munang makita ang ama dahil galit pa rin siya. Sa kanyang paglalakad, hindi niya napansin ang isang mahiwagang buto. Naapakan niya iyon.
Agad niyang napansin ang pagbabago ng kanyang balat. Bigla niyang naalala ang kanyang panaginip. Dali-dali siyang bumalik sa kanilang bahay. Nasa pintuan pa lang siya ay nagsisigaw na siya.
“Ama, ayaw kong maging pulang prutas!” Malakas na sigaw niya. Lumabas ang kanyang amang abala sa pagluluto mula sa kusina.
Misteryosong Prutas
Wala namang naabutan si Mang Alfredo kundi ang isang prutas na kulay pula. Gumulong pa iyon sa kanyang paanan. Agad niyang pinulot iyon. Naalala niya ang anak na si Mina.
Kinagat niya ang prutas at natuklasan niyang matamis iyon. Sa gitna ay nakita niya ang mga itim na buto. Itinabi niya iyon dahil balak niyang itanim pagkatapos ng almusal.
Tinawag niya si Mina ngunit hindi dumating ang anak para sa agahan. Hinanap niya ang anak baka sakaling nasa labas lamang subalit bigo siya.
Diwata ng Prutas
Halos takip-silim na nang maisip niyang bumalik. Siya namang pagsulpot ng isang diwata. Nagpakilala ito bilang diwata ng prutas. Sinabi nito sa kanya ang nagyari sa kanyang anak.
Nalungkot man ay wala na siyang magagawa pa. Binalikan niya ang lugar kung saan niya itinanim ang mga buto ng pulang prutas. Naglagay siya ng palatandaan at sinunod niya sa pangalan ng anak ang bagong halaman.
Ito ay ang kauna-unahang mansanas. Ang mansanas na bigkas ay dahil na rin sa pagsalin-salin ng kuwento.
Aral ng Alamat ng Mansanas
Ang anumang labis ay masama. Huwag saktan ang taong mahal dahil sa sa galit o tampo. Ugaliing magtimpi.