MGA NILALAMAN
Alamat ng Pakwan Buod
Ang alamat ng pakwan ay tungkol kay Juan na walang hinangad kundi ang pagsilbihan ang mga taong kumupkop sa kanya. Sa kabila ng lahat, pagmamalupit ang kanyang natanggap na kabayaran.
Noon unang panahon, may isang batang ulila na sa magulang. Siya ay nakikitira lamang sa kanyang tiya at tiyo. Ang pangalan niya ay Juan
Tampulan ng Tukso
Hindi biniyayaan si Juan ng magandang panlabas na anyo. Siya ay mas maitim kaysa sa karaniwang kayumangging Pilipino. Mapupula ang kanyang makakapal na labi. Ang mga ngipin niya ay maiitim.
Dahil sa kanyang kaanyuan, tampulan siya ng tukso ng kanyang mga pinsan. Lagi siyang tinatawag na pangit hanggang sa naging Pak Juan ang bansag sa kanya.
Busilak na Puso
Sa kabila ng kanyang kaanyuan, mabait, masipag at pasensyoso si Juan. Siya ang laging gumagawa sa gawaing bahay sa kanyang tinitirhan bilang ganti sa pagkupkup sa kanya ng kanyang tiyo at tiya.
Subalit kahit anong kabaitan ang pinapakita niya ay lagi pa rin siyang pinapagalitan. Madalas siyang saktan ng kanyang mga tiyo at tiya, gayundin ang mga pinsan niya.
Dalangin
Isang araw, napagod na si Juan sa pagmamalupit ng kanyang mga kamag-anak. Kaya’t naidasal niya na sana’y mawala na lang siya sa mundo upang hindi na niya maranasan ang kalupitan ng mga tiyo at tiya niya.
Kumulog at kumidlat pagkatapos ng dasal ni Juan. Kinabukasan, hindi mahanap ng mga tiyo at tiya niya si Juan.
“Malamang naglayas na.” Walang anumang wika ng tiyo ni Juan.
Pagsisisi
Lumipas ang araw at buwan pero wala na ngang nakakita pa kay Juan. Kahit paano, nalungkot ang tiyo, tiya at mga pinsan ni Juan sa kanyang pagkawala.
Wala na kasing masipag maglinis ng kanilang bahay. Wala na kasing masarap magluto ng kanilang umagahan, tanghalian at hapunan. Magsisi man sila ngayon ay wala na silang magagawa pa.
Hanggang isang araw, napansin ng isa sa pinsan ni Juan ang isang halaman sa bakuran nila. Ang halaman ay may bunga na kasing-bilog ng ulo ni Juan.
Namangha sila nang kanilang buksan ang bunga. Kasimpula ng mga labi ni Juan ang laman ng bunga. Ang itim na buto nito ay nagpapaalala sa kanila sa mga ngipin ni Juan.
Mula noon, inalagaan ng mag-anak ang halaman at pinalago bilang paghingi ng tawad sa mga kasalanang nagawa nila kay Juan. Tinawag nilang pak-juan ang bunga na kalaunan ay naging pakwan.
Aral sa Alamat ng Pakwan
Pahalagahan ang kabutihan ng isang tao bago mahuli ang lahat dahil hindi mo na maibabalik ang lahat kung sakaling mawala siya.