MGA NILALAMAN
Alamat ng Saging Buod
Ang buod ng alamat ng saging ay tungkol sa isang matandang ubod ng bait. Kahit kelan, hindi siya nanghingi ng anumang kapalit.
Noong unang panahon, may isang lalake ang dumating sa isang bayan at nanirahan siya malapit sa paanan ng bundok. Nakilala siya sa pangalang Apo Sagin. Noong una ay nangingilag ang mga taong sa kanya. Ngunit hindi naglaon ay natuklasan ng lahat na mabait siya.
Matulungin, Ma-kuwento, Mabait

Ang tanging ikinabubuhay ni Apo Sagin ay ang pagtatanim ng mga halamang gulay at puno sa munti niyang bakuran. Itinitinda niya ang ilan sa mga bunga at talbos sa bayan.
Hindi madamot si Apo Sagin. Kung may mga batang gustong manguha sa kanyang gulayan ay pinapayagan niya ang mga ito. Nagpapalam naman ang lahat kapag nais nilang mamitas ng gulay o prutas.
Bukod sa pagiging matulungin, mahilig din siyang magkuwento. Tuwing dapit-hapon, kapag tapos na ang mga bata sa gawaing eskwela at bahay, nagkukumpol-kumpol sila sa may harapan ng kubo.
Lahat ng mga bata ay namamangha sa mga kuwento ni Apo Sagin. Marami siyang kuwento nang pakikipagsapalaran sa ibayong dagat. Maging ang mga nakakatanda ay napapatigil at saglit na nakikinig.
Sabi nila na kathang-isip lamang ang mga iyon ngunit ang mga bata ay naniniwalang totoo ang mga iyon. Ipinaghahanda rin ni Apo Sagin ang mga bata at kung sino mang bumisita sa kanya ng minatamis na mga merienda.
Mga Estranghero

Isang araw, nangahoy si Apo Sagin. Isang lalake ang nakita niya na halos maghingalo na sa gutom. May sugat din ito sa isang paa na halos mamaga na sa impeksyon. Agad naman niya itong tinulungan, at iniuwi sa kanyang kubo upang pakainin at gamutin ang sugat nito.
Dahil sa pag-aaruga ni Apo Sagin, gumaling ang estrangherong lalake. Lubos ang pasasalamat nito sa kanya at umuwing baon ang kabutihang loob ng matanda. Hindi lamang iyon ang natulungan ni Apo Sagin. Meron isang batang babae ang namamalimos sa may bukana ng bayan.
Naantig ang pusong niya kaya’t hinikayat niya ang bata na sumama sa kanyang kubo. Tinuruan niya ito kung paano gumawa ng pamaypay gamit ang pinatuyong mga dahon.
Dahil sa ginawa ni Apo Sagin, hindi na namalimos pa ang batang babae. Di naglaon, nagpaalam ito sa kanya upang hanapin daw nito ang kapalaran sa ibayong lugar.
Hindi naman ito pinigilan ni Apo Sagin. Bagkus, pinabaunan pa niya ang bata ng maraming gulay at prutas upang kainin nito sa paglalakbay.
Pagpanaw

Lumipas ang mga taon at tumanda nang husto si Apo Sagin ngunit nananitili siyang mabait at matulungin. Isang araw, nagkasakit siya.
Lahat ng mga tao sa nayon ay nabahala sa pagkakasakit ng matanda. Kaya naman, sila ay nagpulong-pulong para magtalaga ng taong magbabantay sa kanya sa bawat araw.
Lahat ng mga taong natulungan ni Apo Sagin ay boluntaryong nag-aruga sa kanya, lalo na ang mga batang kinukuwentuhan niya. Ang mga batang iyon ay malalaki na kaya sila naman ang nagku-kuwento sa kanya.
Sa kasamaang palad, hindi na gumaling ang matanda. Lalong lumala ang kanyang sakit marahil na rin sa sobrang katandaan. Ayaw iwan ni Apo Sagin ang mga taong nakasama niya sa mahabang panahon ngunit dumating din ang oras nang pamamaalam.
Nalungkot ang taong bayan sa kanyang pagpanaw. Bago ang araw ng libing, dumating ang batang babaeng tinulungan niya na ngayo’y dalaga na. Lingid sa kaalaman ng lahat, isa palang diwata ang batang babae.
Sa gitna ng nag-iiyakang mga tao, sinabi niya sa mga ito na huwag silang malungkot. Si Apo Sagin ay mananatiling kapiling nila magpakailanman.
Inihabilin niya na sa bakuran ng kubo na lamang ilibing ang matanda. Tutal wala namang nagpakilalang kamag-anak kaya sinunod nila ang kagustuhan ng dalaga.
Pagtubo ng Isang Halaman

Lumipas ang mga linggo at napansin ng mga taong dumadalaw sa puntod ni Apo Sagin ang pag-usbong ng isang halaman. Malalapad ang mga dahon at iisa ang sanga.
Pagkatapos ng ilang linggo, umusbong naman ang hugis pusong bunga ng halaman. Bigla nilang naalala ang sinabi ng dalaga sa libing ni Apo Sagin. Napagtanto ng lahat na marahil diwata ang dalagang natulungan ng matanda.
Dahil sa hugis pusong umusbong sa halaman, nagunita nila ang mga kabutihang nagawa ng matanda. Ang puso ng halaman ay sumisimbolo sa taus-pusong pagtulong ni Apo Sagin sa lahat ng tao.
Namukadkad ang puso ng halaman at naging bunga na parang mga kamay na nagkumpol-kumpol. Muli ay naalala ng taong bayan ang mga kamay ng matanda na walang sawang tumutulong sa mga nangangailangan.
Noong una, kulay berde ang bunga hanggang sa naging kulay dilaw ito. Sinubukan ng mga taong kainin ang bunga at namangha sila. Ang lasa ay kasing tamis ng mga panghimagas na inihahanda ni Apo Sagin.
Dahil sa mga pagkakatulad na ito, pinangalanan nila ito na halaman ni Apo Sagin. Sa paglipas ng panahon, naging simpleng saging na lang ang bigkas sa prutas.

Aral sa Alamat ng Saging
Ang alamat ng saging Tagalog bersyon ay sumasalamin sa isang napakahalagang ugali. Ito ay ang pagiging matulungin sa ibang tao.
Ang kabutihang ginawa sa kapwa ay kusang babalik sa iyo sa mga panahong hindi mo inaasahan. Kaya’t tumulong nang walang inaasahang kapalit.