MGA NILALAMAN
Alamat ng Pilipinas Buod
Ang alamat ng pinagmulan ng Pilipinas ay tungkol sa magkakapatid. Dahil sa pagsuway ng isa, lahat sila ay napahamak.
Noong unang panahon, wala pang tinatawag na Pilipinas. Maliliit pa lamang na pulo ang meron. Isa sa mga pulo ay may nakatirang higante kasama ang kanyang tatlong anak. Ang mga pangalan nila ay Lucion, Minda, at Bisaya.
Pag-alis ng Ama
Isang araw, kinailangang mangaso ng higanteng ama sa kabilang pulo dahil nauubos na ang kanilang pagkain. Bago siya umalis ay ibinilin niya sa mga anak na huwag silang aalis ng kuweba. Mapanganib ang labas ng kuweba aniya.
Nang nakaalis na ang kanilang ama ay naglinis ang tatlo sa kanilang tahanang kuweba. Nais nilang pagbalik ng kanilang ama ay masiyahan ito sa kanila.
Pagsuway ng Isa
Habang abala si Lucion at Bisaya, lumabas si Minda. Namangha si Minda sa kanyang nabungaran sa labas ng kuweba. Puting buhangin at kay linis na dagat ang kanyang nakita.
Naisipan ni Minda na magtampisaw sa nag-aanyayang dagat dahil sa init ng panahon. Hindi namalayan ng higanteng dalaga na napalayo siya sa pampang.
Hanggang sa isang malaking alon ang humampas sa kanya at nawalan siya ng balanse. Tinangay siya nang sunod-sunod na daluyong ng alon.
Paghingi ng Tulong
Nagsumigaw si Minda ng tulong at umasang maririnig siya ng mga kapatid. Nagulantang sina Lucion at Bisaya sa narinig. Nagkatinginan silang dalawa.
Hindi nila alam kung tutulungan nila si Minda o mananatili sa kuweba na siyang bilin ng ama. Lalong lumakas ang narinig nilang sigaw. Kaya’t nanaig ang kagustuhan nilang iligtas si Minda.
Nakita nila ito sa may baybaying dagat na nagkakawag-kawag. Agad na nakaisip ng paraan si Lucion. Kumuha siya ng lubid upang ihagis iyon kay Minda ngunit maikli lamang pala iyon.
Pagtulong ng mga Kapatid
Sabay na nagkatinginan sina Lucion at Bisaya at lumusong sila sa tubig. Hawak-kamay na inabot nila si Minda. Si Lucion ay malapit sa pampang at si Bisaya naman ay sa mas malalim na parte.
Ngunit hindi nila abot si Minda. Muli nilang ginamit ang lubid. Itinali ni Lucion ang sarili at ikinabit ang dulo sa isang puno sa may batuhan. Muli nilang inabot si Minda.
Sa kabutihang palad, naabot ni Bisaya ang kapatid na si Minda. Buong pusong nagpasalamat ito sa kapatid. Unti-unti, pinilit nilang bumalik sa pampang subalit muling rumagasa ang sunod-sunod na mga alon.
Kumiskis ang isang parte ng lubid sa may batuahn. Napigtas ang lubid dahil na rin sa bigat nila at sa lakas ng mga alon.
Pagkawala ng Magkakapatid
Tinangay sila ng alon. Kawag, sipa at sigaw ng tulong ang ginawa nila subalit walang tulong na dumating. Hanggang sa tuluyang nalunod ang tatlo.
Bago magdapit-hapon, dumating ang ama. Nagtaka siya dahil walang maingay sa loob. Siguro tulog, aniyang ama sa sarili. Hindi niya nakita ang tatlo sa pagpasok niya sa loob. Nangunot ang noo ng higanteng ama.
Malinis at maayos ang loob ng kuweba. Kinabahan siya. “Hindi kaya’t may nakakita sa tatlo at kinuha sila?” Tanong niya sa sarili. Nahagip ng tingin niya ang mga bakas ng paa sa buhangin.
Agad naman niyang sinundan ang mga iyon. Patungo ang mga bakas sa may baybaying dagat. Nakita niya ang kapiraso nang napigtas na lubid sa puno. Isa pang ebidensya ang mga pira-piraso ng mga damit ng mga anak niya. Nakita niyang lumulutang-lutang ang mga iyon sa dagat.
Kahit hindi niya alam ang buong pangyayari ay may sapantaha siya na nalunod ang mga anak niya.
Naghinagpis ang ama sa pagkawala ng mga anak. Lumipas ang mga araw at nagkaroon ng mga bagong pulo na abot ng kanyang tanaw. Agad niyang pinuntahan ang mga pulo. Mula sa mga baybayin ay nakita niya ang ilang mga kuwintas at pulseras na binigay niya sa mga anak.
Doon nagsimula ang pagkakaroon ng tatlong malalaking isla ang Pilipinas. Tinawag itong Luson, Bisayas at Mindanaw.
Aral sa Alamat ng Pilipinas
Sumunod sa bilin ng mga magulang upang hindi mapahamak.