MGA NILALAMAN
Alamat ng Paru-paro Buod
Ang alamat ng paru paro ay tungkol sa mag-asawang ganid. Pinarusahan sila dahil sa kanilang masamang ugali.
Noong unang panahon, may isang matandang mahilig magtanim ng mga bulaklak. May bulung-bulungan na ang matanda ay isang diwata na paminsan-minsang nakikisalamuha sa mga tao. Ngunit, wala pang nakakapagpatunay ng sapantahang ito.
Pakikipagkapwa
Mabait at matulungin ang matanda sa mga kapitbahay. Kung merong nanghihingi ng kanyang bulaklak ay binibigyan niya ang mga ito. Alam naman kasi ng matanda na alay sa simbahan sa tuwing binyag, kumpil o kahit anong mahahalagang okasyon.
Binibigyan ng mga tao ang matanda ng mga prutas, bigas, o kahit anong pagkain sa tuwing anihan at isda kung maganda ang huli ng mga mangingisda. Ang mga ito ay kapalit ng kagandahang loob ng matanda.
Mag-Asawang Amparo
Payapa at matiwasay ang pamumuhay ng mga tao at ng matanda. Subalit dumating ang mag-asawang Amparo sa kanilang lugar.
Ganid, tamad, at pala-hingi ang mag-asawa. Wala silang alam gawin kundi magbigay problema sa mga tao. Kahit ayaw tulungan ng mga tao ay napipilitan sila dahil mapilit ang mga Amparo.
Pagmamalabis
Isang araw, naisip ng mag-asawa na hingan ang matandang hardinera ng mga bulaklak. Binigyan naman ng matanda ang dalawa dahil ang alam niya ay alay iyon sa simbahan.
Subalit, nalaman ng matanda na ipinagbili pala ng mag-asawa ang mga bulaklak sa malaking halaga. Muling humingi ang mag-asawang Amparo ng mga bulaklak pero hindi na nagbigay ang matanda.
Pagnanakaw
Nagalit ang dalawa kaya’t naisipan nilang pagnakawan ang matandang hardinera. Isinakatuparan ng mag-asawa ang kanilang balak isang gabing nakita nilang umalis ang matanda.
Kaagad silang pumasok sa hardin ng matanda at kinuha ang lahat ng mga magagandang bulaklak. Hindi akalain ng dalawa na babalik ang matanda nang mas maaga sa inaasahan.
Kaparusahan
Naabutan ng matanda ang mag-asawang Amparo sa kanilang masamang gawain. Una, nagmakaawa siyang itigil na nila ang ginagawa.
Imbes na makonsensiya at tila nagalit pa ang dalawa. Sinabihan nila ang matanda na madamot kaya nagawa nilang nakawin ang mga bulaklak.
Dahil doon, nagalit ang hardinerang matanda. Pumasok siya sa loob ng kanyang bahay. Paglabas niya ay isa na siyang napakagandang diwata at hawak niya ang kanyang mahiwagang baston.
Habang iwinawasiwas sa hangin ay binigkas niya ang mga ito. “Dahil sa inyong kasakiman, magiging insekto kayo. Kasing kulay at kasing ganda ng mga bulaklak na inyong ninakaw.”
Lumiit ang dalawa at nagkaroon ng mga pakpak. Makukulay at magaganda ang mga iyon.
“Ngunit, hindi ninyo makukuha kailanman ang mga bulaklak. Mula ngayon, hanggang tanaw at hanggang hawak na lang ang magagawa ninyo.” Pagtatapos ng matanda.
Ang Unang mga Paru-paro
Hindi na nakita pa ng mga tao ang mga Amparo pero napansin nila ang dalawang insektong lilipad-lipad sa hardin ng matanda.
Napansin nila na magkapareho ang mga pakpak ng insekto. Kaya pinangalanan nilang amparo-amparo. Kalaunan ay naging paru-paro dahil na rin sa pagsalin-salin ng kuwento.
Aral sa Alamat ng Paru-paro
Walang naidudulot na mabuti ang pagkakaroon ng masamang ugali. Huwag gamitin ang pakikipagkapwa para abusuhin ang ibang tao.