Alamat Ng Bahaghari – Kuwentong Pilipino (BAHAGHARI LEGEND)

ALAMAT NG BAHAGHARI: i buklat ang Kuwentong Pilipino (BAHAGHARI LEGEND)! Kilalanin si Blunto at ang kanyang kuwentong tungkol sa pinagsimulan ng Bahaghari!

***TUKLASIN SA IBABA***

Alamat ng Bahaghari Buod

Ang alamat ng bahaghari ay tungkol sa magkasintahang umibig nang wagas. Magkaiba man ang mundong kinagisnan ay nagawa nilang lampasan ang lahat ng pagsubok.

Noong unang panahon, may mag-asawa na hindi pa biniyayaan ng anak. Sila ay naninirahan sa baybayin sa Isla Saranggani.

Isang Kahilingan

Lahat ng halamang gamot ay kanilang nasubukan upang magkaroon sila ng anak ngunit bigo sila. Sa kanilang pagsangguni sa mga matatanda ay nasabi nilang tanging Diyos lamang ang makakatulong sa kanila.

Kaya’t nakipagkita ang mag-asawa kay Walian, isang espiritista. Nagdasal ito sa diwata ng pagdadalang-tao.

Nagkaroon naman ng positibong kinalabasan ang kanilang pagpunta. Makalipas ang ilang buwan, nagbuntis ang babae at isang malusog na babaeng sanggol ang naging bunga. Pinangalanan nila ang sanggol ng Blunto.

Biyaya ni Bathala

Lumaking napakaganda, napakabait at napakasipag ni Blunto. Nakahiligan din niya ang pagtatanim ng mga bulaklak. Sari-sari ang mga kulay, halimuyak at klase ng mga bulaklak sa hardin ni Blunto. May rosas, bugambilya, santan, ehampaea, orkidya, dama de noche at rosal.

Sa araw-araw na nagdaraan, hindi nakaligtaan ni Blunto ang magdasal sa Bathala ng araw at buwan dahil sa pagtanglaw ng mga ito sa kanyang mga halaman. Madalas din siyang marinig ng Hari at Reyna sa kaitaasan.

Bilang kapalit sa mga handog ng dalaginding ay inutusan nila ang kanilang kaisa-isang binata na magpakita. Isang dapit-hapon, namataan ni Blunto ang isang makisig na binata na nakasakay sa kabayong lumilipad habang siya ay namimintana.

Para itong aparisyon sa may baybaying dagat. Kagyat ding naglaho ang binata. Kinabukasan, pala-isipan sa dalaginding ang nakita. Hindi niya alam kung panaginip o totoo ang nakita.

Namuong Pag-ibig

Dumaan ang mga araw at napagtanto ni Blunto na marahil nanaginip lamang siya. Ngunit isang umaga nagulantang siya sa boses habang siya ay nagdidilig. Paglingon niya ay ang binatang nakita niya noon sa may baybaying dagat.

Humihingi ang binata ng inuming tubig. Dali-dali namang kumuha ang dalagita. Tuwing dapit-hapon inaabangan ng dalagita ang pagdating ng makisig na binata.

Hindi naman nabigo si Blunto. Araw-araw na dinadalaw siya ng binata. Marami silang napag-uusapan at napagtanto ng dalagita na mabuti ang hangarin nito.

Hindi man niya alam kung saan at anong tribu ito nanggaling alam ni Blunto na mamahalin niya nang lubos ang binata. Doon nag-umpisa ang isang pag-iibigan.

Dahil bata pa si Blunto ay naghintay ito ng tamang panahon. Niligawan muna nito ang dalagita. Nang sumapit na sa hustong gulang ang dalaga ay sinagot niya ang binata.

Pagtutol ng mga Magulang

Nalaman ng dalaga mula sa binata ang tunay nitong pagkatao, na anak ito ng Hari ng Araw at Reyna ng Buwan. Hindi naglaon ay hiningi ng binata ang kamay ng dalaga at sinabi niyang isasama ang mahal sa kanyang lugar.

Dahil hindi sanay na mawalay sa anak, tumutol ang mga magulang ni Blunto. Nagbalak na magtanan ang dalawa ngunit nahuli sila ng mga magulang ng dalaga. Mula noon ay pinagbawalan ang dalaga na makipagkita sa kasintahan.

Nalungkot nang husto si Blunto kaya nagkasakit siya. Nag-alala ang binata kaya’t nagmakaawa siya sa mga magulang ni Blunto na makita ang kasintahan. Isang beses lang siya na pinayagan na siyang nakapagpabuti sa dalaga.

Ngunit hindi iyon rason para tuluyan nilang ipaubaya ang dalaga sa binata. Araw-araw ay naroon sa bahay nina Blunto ang binata upang pakiusapan ang mga magulang ng kasintahan.

Naantig naman ang mga magulang ni Blunto. Ayaw din nilang magkasakit muli ang dalaga kaya’t pumayag na rin sila. Humingi ang mga ito ng isang kondisyon. Kailangang makasal muna sa lupa ang dalawa bago tuluyang lumayo.

Bigkis ng Pagmamahalan

Idinaos ang kasal nina Blunto at ang kasintahan. Isang simple at makabagbag-damdaming selebrasyon ang ginanap. Sa kabila ng saya ay malungkot ang mga magulang ng dalaga.

Ilang oras bago ang takdang pag-alis nina Blunto ay umulan ng napakalakas. Tila nakikiisa ang kalangitan sa kanilang mga damdamin. Habang inaantay ng bagong mag-asawa ang pagtila ng ulan ay kinausap ng dalaga ang mga magulang.

Sinabi niya sa mga ito na huwag silang malungkot. Dahil kahit nasa kaitaasan siya ay mananatili ang kanyang alaala. Sa pag-alis ni Blunto ay dadalhin niya ang kanyang makukulay na bulaklak.

Ang mga bulaklak na iyon ay gagawa ng makulay na landas na siyang makikita ng kanyang mga magulang. Nangyari nga ang tinuran ni Blunto. Sa tuwing nalulungkot sila ay tumitingala sila sa langit upang masilayan ang kanilang anak.

Sa paglipas ng panahon, nakikita rin ng iba ang makulay na tanawin. Tila bahag ng hari na ubod ng kulay. Tumitingkad ang bahag ng hari sa tuwing matatapos ang ulan. Sa paglipas ng panahon ay naging bahaghari ang bigkas.

Aral sa Alamat ng Bahaghari

Ang lahat ng bagay lalo na sa pag-ibig ay napagtatagumpayan kung sasamahan ito ng tiyaga at paghintay sa tamang panahon.