Alamat Ng Pinya – Philippine Legends (PILIPINO ALAMAT)

ALAMAT NG PINYA: I buklat ang kuwentong pang bata nina Aling Rosa at ang kanyang anak na si Pinang! Ang Alamat Ng Pinya - isa sa mga Philippine Legends! (PILIPINO ALAMAT)

***TUKLASIN SA IBABA***

Ang Alamat ng Pinya BUOD

Ang buod ng alamat ng pinya ay tungkol kay Pinang at ang kanyang inang matiisin. Si Pinang ay isang dalagitang tamad, at walang alam na gawaing bahay. Dahil sa bugso ng galit, sinumpa siya ng kanyang ina.

Ang Alamat ng Pinya: Kuwento ng Prutas na Maraming Mata

Ang pinya ay manamis-namis at masustansya pero paano nga ba nagkaroon ng ganitong prutas? Maraming mga alamat ng pinya pero iisa ang tinutumbok nito.

Ito ay kung paano ito nagkaroon ng maraming mata. Basahin at alamin ang alamat ng pinya.

Ayon sa kuwento, may mag-inang Rosa at Pinang na nakatira sa liblib na lugar. Dahil mag-isang anak lang si Pinang, lumaki siyang sunod ang layaw sa ina.

Ang katwiran ni Aling Rosa ay maliit pa naman si Pinang at matututo rin ang kanyang anak ng mga gawaing bahay kapag nagdalaga na subalit nagkamali siya.

Hindi natuto ang kanyang anak. Bagkus, naging tamad ang dalagita. Ang alam lang gawin ni Pinang ay kumain, mamintana, maglaro, maligo, at matulog.

Lagi pang nangangatwiran na pagod sa paglalaro kapag inuutusan ng ina o kaya hindi mahanap ang dapat hanapin. Mahal ni Aling Rosa ang kanyang anak kaya naman siya na lamang ang gumawa ng mga gawaing bahay.

Pagkakasakit ni Aling Rosa

Isang araw, nagkasakit si Aling Rosa at inutusan niya ang kanyang anak na ipagluto siya ng lugaw. Sumunod naman si Pinang ngunit nakalimutan niyang may niluluto siya. Kaya naman, nasunog ang lugaw.

Gayunpaman, inihain pa rin ito ni Pinang. Gusto mang magreklamo ni Aling Rosa ay hindi na niya ginawa dahil kahit paano pinagsisilbihan siya ng anak.

Minsang nagluto si Pinang ay umiral ang kanyang katamaran. Bawat bagay na hanapin ay itinatanong niya sa kanyang ina. “Nanay, nasaan ang palayok? Nanay, nasaan ang kutsara? Nanay, nasaan ang sandok?”

Hanggang sa nainis si Aling Rosa at pasigaw niyang sinabi, “Nawa’y magkaroon ka nang maraming mga mata para makita mo ang mga hinahanap mo.” Halos dinig ng mga kapitbahay ang malakas na sigaw niya.

Pagkawala ni Pinang

Tumahimik si Pinang at padabog na bumaba ng bahay upang hanapin ang sandok. Lumipas ang mga oras hanggang sa nalipasan si Aling Rosa ng gutom. Nakatulugan niya ang paghihintay. Nagising siya nang dapithapon na.

Malapit nang gumabi ngunit hindi na narinig ni Aling Rosa ang kaluskos sa kusina. Wala rin siyang narinig na bubulong-bulong o pagdadabog. Nabahala siya kaya kahit may sakit ay pinilit niyang tumayo upang hanapin ang anak.

Ni isa man sa kapitbahay ay walang nakakita kay Pinang mula pa kaninang umaga. Hindi nawalan ng pag-asa si Aling Rosa. Marahil, nandiyan lang sa tabi-tabi ang kanyang anak.

Naisip niya marahil nagtatampo lamang si Pinang dahil sa huling sinabi niya. Nagpagaling siya at nagpalakas upang mahanap niya ang anak ngunit naging bigo siya. Hindi na niya makita si Pinang.

“Hindi kaya’t lumayas na si Pinang dahil hindi na niya ito naasikaso? O, kaya naman, nagsawa na ang kanyang dalagita sa pag-aaruga sa kanya?”

Ang mga katanungang ito ay nagsasalimbayan sa kanyang utak. Lumipas ang mga araw at laging niyang hinihiling na sana ay bumalik na ang kanyang dalagita.

Pagtubo ng Kakaibang Halaman

Hanggang isang araw, napansin ni Aling Rosa ang tumubong halaman sa bakuran ng bahay. Dahil likas siyang maaruga, araw-araw ay diniligan niya ito hanggang sa namunga ang halaman.

Laking gulat niya nang makita ang bunga, hugis ulo ng tao at maraming mga mata. Bigla siyang nalungkot nang maalala ang sinabi niya sa anak. Nagkatotoo ang mga sinabi niya. Tahimik na tumangis si Aling Rosa.

Napansin ng mga kapitbahay ang espesyal na pag-aaruga ni Aling Rosa sa halaman. Ang mga kapitbahay na nakarinig ng sagutan nilang mag-ina nang araw na mawala si Pinang ay madalas sabihin, “Pinang niya iyan”.

Bilang pag-alala sa anak, pinadami ni Aling Rosa ang tanim at pinamigay ang iba. Bawat pinyang pinamimigay niya, ikinukwento niya kung paano siya nagkaroon ng kakaibang halamang tanim.

Mula noon, tinawag na pinya ang halamang may bunga na hugis ulo ng tao at maraming mata.

Aral sa Alamat ng Pinya

Gamitin ang mga mata sa paghahanap ng mga bagay-bagay at matutong sumunod sa mga utos ng mga magulang.

Sa mga magulang naman, tamang disiplina ang kailangan upang lumaking masipag at marunong sa gawaing bahay ang mga anak.