Alamat Ng Mindanao

ALAMAT NG MINDANAO:

***TUKLASIN SA IBABA***

Alamat ng Mindanao Buod

Ang alamat ng Mindanao ay tungkol sa kuwento ng pagkakaisa. Alamin kung paano ang dalawang mortal na magkaaway ay nagkasundo para sa ikabubuti ng lahat.

Noong unang panahon, ang dalawang kapuluan pa lamang ang okupado ng mga tao sa Pilipinas. Ang bawat kapuluan ay pinamumunuan ng datu.

Ang Dalawang Datu

Ang kapuluan sa dakong hilaga ay pinamumunuan ni Datu Lusong. Si Datu Lusong ay may angking pambihirang lakas at tapang. Siya ay may anak, si Minda. Kaakit-akit at malambing ang dalaga.

Sa gitnang bahagi, si Datu Bisaya naman ang namumuno. Siya ay biniyayaan ng anak na lalake, si Danaw. Bukod sa makisig, malakas at matalino ang binata. Dahil sa kanyang pamumuno, laging nananalo sa digmaan ang hukbo nila.

Mortal na Magkaaway

Dahil sa kapwa malakas ang mga hukbong pinamumunuan ng dalawa, magkagalit sila sa isa’t isa. Nais nilang sakupin ang pinamumunuan ng bawat isa.

Lagi silang nagsasagupaan. Ngunit sa pagdaan ng panahon, napagtanto ng dalawang datu na walang patutunguhan ang kanilang sagupaan. Nagkakaubusan na sila ng kanilang mga kawal.

Pagkakasundo

Isang araw, nagkasundo ang dalawang datu na pansamantalang mamahinga sa pakikipagdigma sa isa’t isa. Sa mga araw na walang digmaan, nagkaroon ng kapayapaan sa bawat kapuluan.

Naging maganda ang bunga ng pansamantalang katahimikan. Kaya naman naisip nilang dalawa na tuluyan ng magkasundo. Upang malubos ang kanilang pagkakasundo, si Datu Lusong ay nagmungkahi na bigkisin iyon sa pamamagitan ng kasal ng kanilang mga anak.

Kasalan

Sumang-ayon naman si Datu Bisaya. Nagkasundo silang gawin ang kasalan sa isang pulo sa dakong timog.

Naging matagumpay naman ang ginanap na kasalan. Iniregalo ni Datu Bisaya ang pulong iyon sa mag-asawa.

Ang sinumang gustong maiwan ay maaaring maiwan, iyon ang huling pangungusap ng datu sa kanyang talumpati bago sila tuluyang umuwi.

Bagong Pamumuno

Marami sa mga kawal nina Datu Lusong at Datu Bisaya ang naiwan para samahan ang bagong mag-asawa. Naging masaya at maayos ang pamumuno nina Danaw at Minda.

Nagkaroon sila ng walong anak, limang lalake at tatlong babae. Dumaan ang maraming henerasyon. Sa pagkamatay nina Minda at Danaw, isinunod ng kanilang mga anak at nasasakupan ang kanilang pangalan sa kapuluan.

Aral sa Alamat ng Mindanao

Ang pagkakaisa ay may positibong epekto lalo na kung para ito sa ikabubuti ng nakararami.