MGA NILALAMAN
Alamat ng Baguio Mina ng Ginto Buod
Ang mina ng ginto sa Baguio alamat ay tungkol sa isang tribu kung saan biniyayaan sila ng gantimpala. Nawala ang gantimpalang iyon dahil sa kanilang kasakiman.
Sa isang liblib na lugar ng Baguio, may isang Igorot na ang pangalan ay Kunto. Siya ay matapang at malakas. Kaya naman ginawa siyang pinuno ng kanyang mga ka-tribu.
Ibong Uwak
Isang araw, nangaso si Kunto sa kagubatan. Sa kanyang paghahanap ng hayop, namataan niya ang isang uwak. Tila siya ay sinunsundan ng tingin.
Tiningnan din ito ni Kunto. Parang may isip ang ibon na tumingin din sa kanya. Nagulat siya nang tumango ang ibon ng tatlong beses.
Bagama’t matapang, nakaramdam ng takot si Kunto. Hindi niya itinuloy ang pangangaso. Bagkus, umuwi siya upang isangguni sa mga nakakatanda ang kanyang nakita
Pagkanyaw
Sinabi ng mga matatanda na marahil iyon ay ang kanilang bathala. Marahil ipinaalala nito ang kanilang tungkulin at dapat silang magkanyaw.
Napagkasunduan nang lahat na magdaos ng kanyaw. Hinuli nila ang limang baboy ramo at iyon ay ang kanilang kakatayin.
Ang Misteryosong Lalake
Sila ay nasa akto ng pagkakatay sa isang baboy ramo nang biglang naging tao ang isa. Ang iba ay kumaripas ng takbo sa takot habang ang mga mandirigma at si Kunto ay inabot ang kanilang mga sibat at pana.
“Wag kayong matakot!” Agad na wika ng estranghero. Humupa ang takot ng mga tao subalit nanatiling nakahanda ang kanilang armas pang-depensa.
Ang Gantimpala
“Gagantimpalaan ko kayo dahil sa madalas ninyong pag-aalay sa akin subalit kailangan ninyong sundin ang aking utos.” Mataimtim na nakinig sina Kunto at ang kanyang mga ka-tribu.
“Maglagay kayo ng isang tasa ng kanin sa aking kinatatayuan. Takpan ninyo ang tasa ng malaking palayok. Ipagpatuloy ninyo ang inyong kanyaw. Pagkatapos ng tatlong araw, bumalik kayo dito.”
Sinabi rin ng misteryosong matanda na makikita nila ang isang maliit na puno. Ito ay may mga dahong ginto. Ang mga dahon ay maaaring kunin at pwedeng ibenta ng mga tao.
Subalit hindi nila dapat putulin ang puno. Pagkatapos ay nawala ang lalake. Agad namang sinunod ng tribu ang utos.
Gintong Puno
Pagkatapos ng tatlong araw, agad na bumalik si Kunto kasama ng ilang mga mandirigma. Gaya nga ng sabi ng lalake, may puno silang nakita nang alisin nila ang malaking palayok. Kulay ginto ang mga dahon
Agad na pumitas si Kunto ng isang dahon. Tiniyak niya kung talagang ginto iyon sa pamamagitan ng pagbebenta sa mga mangangalakal. Napatunayan niyang ginto nga ang mga dahon.
Pagkalipas ng magdamag, ang puwang na kinunan ni Kunto ay napalitan ng bagong sibol na dahon. Ganap na nagiging ginto ang mga dahon pagkatapos ng tatlong araw. Mula noon, iminungkahi ni Kunto na may isa o dalawang tao sa isang pamilya ay mamimitas ng isang dahon.
Pagyaman at Inggitan
Naging mayaman ang lugar na iyon sa tulong ng gintong dahon. Subalit, kapalit noon ay ang pag-usbong ng inggit at kasakiman.
Sa pagdaan ng mga araw, tumaas nang tumaas ang puno. Naging ganid na ang karamihan sa kanila. Nakalimutan nila ang magpasalamat sa misteryosong lalakeng nagbigay sa kanila ng puno.
Pagputol sa Puno
Isang araw, biglang lumaki nang husto ang puno. Hindi na maabot ng mga tao ang mga gintong dahon ng puno. Kaya naman naisipan nilang putulin ito. Nilabag nila ang pinaka-iisang kondisyong binigay sa kanila.
Nabuwal ang puno at siya namang pagsulpot ng misteryosong lalake. “Dahil sa inyong kasakiman, pinutol ninyo ang puno. Hindi ko babawiin ang punong ito. Bagkus, paghihirapan ninyo ang pagkuha sa mga ginto.”
Nilamon ng lupa ang puno. Mula nga noon, nagkaroon ng ginto sa loob ng lupa. Makukuha lamang ng mga tao ang ginto sa pamamagitan ng paghuhukay.
Aral sa Alamat ng Mina ng Ginto Alamat ng Baguio
Ang alamat ng ginto alamat ng Baguio ay nagbibigay leksyon para sa mga taong sakim sa materyal na bagay. Walang mabuting naidudulot ang pagiging makasarili at inggitero.