MGA NILALAMAN
Alamat ng Gumamela Buod
Ang alamat ng gumamela ay tungkol sa kuwento ng pagkakaibigan. Alamin kung paano magsakripisyo ang isang tao para sa ikabubuti ng kanyang kaibigan.
Noong unang panahon, sina Gumamela at Abam ay matalik na magkaibigan. Mula pa pagkabata, laging magkasama at magkakuwentuhan ang dalawa.
Lihim na Pag-ibig
Nang nagdalaga at nagbinata ang dalawa, lihim na umibig si Gumamela kay Abam. Si Abam naman ay ibang dalaga ang nililiyag. Ang dalagang ito ay si Milusay.
Labis na ikinalungkot ni Gumamela ang nalaman subalit nanatili pa rin siyang kaibigan sa lalake. Hindi niya kailanman binanggit sa binata ang kanyang nararamdaman kahit nagdurugo ang puso niya sa nakikitang pagmamahal ng binata sa ibang dalaga.
Kabiguan ni Abam
Dinadalaw ni Abam si Milusay araw-araw. Sa tuwina, umuuwing biguan si Abam dahil sarado ang puso ng dalagang nililiyag sa larangan ng pag-ibig.
Naikuwento ng binata sa kaibigang si Gumamela ang tungkol sa kabiguang iyon. “Gumamel,” anito sa palayaw na gamit nito para sa dalaga. “Ano kaya ang maari kong gawin para mapansin ako ni Milusay?”
Malungkot na ngumiti ang dalaga. Nanaig ang awa niya para sa lalakeng iniibig at nasambit niya na kahit ano ay gagawin niya para maging matagumpay ito sa panliligaw kay Milusay.
Marikit na Bulaklak
Isang araw, bumungad kay Abam ang isang misteryosong bulaklak sa tarangkahan ng bahay niya. Bagama’t wala itong amoy, napakaganda namang tingnan. Pumitas siya ng isa at dinala kay Milusay.
Natuwa naman ang dalaga dahil noong araw na iyon ay naghahanap siya ng palamuti sa kanyang buhok. Nang sumunod ng mga araw, nagkaroon ulit ng ibang halaman at bulaklak sa bakuran ni Abam.
Hindi niya alam kung bago ba ang mga iyon o dati na at ngayon lamang niya napansin. Kahit ano pa man iyon, ipinagpasalamat niya ang pagkakaroon ng kakaibang halaman at bulaklak. Mula kasi nang dalhin niya ang pulang bulaklak kay Milusay ay pinapansin na siya.
Sagot sa Pag-ibig
Hindi naglaon ay sinagot ni Milusay ang pag-ibig na iniaalay ni Abam. Laking tuwa ng binata. Agad niyang pinuntahan si Gumamela para ibahagi ang magandang balita.
Matagal niyang tinawag si Gumamela sa labas ng bahay nito ngunit hindi sumasagot ang dalaga. Isang kabit-bahay ang nakapagsabing matagal nang wala ang dalaga sa bahay nito.
Pagkawala ng Kaibigan
Umuwing malungkot si Abam sa kanyang tahanan. Sa sobrang kaabalahan niya kay Milusay ay nakaligtaan niya ang kaibigan. Naisip niya kung nasaan na kaya ito.
Papasok na siya sa kanyang bahay nang mahagip ng tingin niya ang isang pamilyar na bagay sa halamang bigla na lamang tumubo sa kanyang bakuran.
Nalaman niyang panyo iyon ni Gumamela dahil iyon ang regalo niya noong kaarawan ng dalaga. Biglang namutawi sa kanyang gunita ang mga sinabi nito nang huli silang mag-usap. Ilang araw lamang ay tumubo ang halamang ito sa kanyang bakuran.
Lalo siyang nalungkot. Hinaplos niya ang bulaklak ng halaman sabay bulong, “Gumamel.” Humihip ang malamig na simoy na hanging.
Mula noon, tinawag niyang gumamela ang halaman. Sa kaibuturan ng puso niya, alam niyang ang halamang ito ay si Gumamela.
Aral sa Alamat ng Gumamela
Ang tapat na kaibigan ay tunay na nagmamahal at gagawin ang lahat para sa iyong ikabubuti kahit ang katumbas nito ay ang pagbuwis ng buhay.