MGA NILALAMAN
Ang Alamat ng Rosas Buod
Ang buod ng alamat ng rosas ay tungkol sa isang dalagang labis ang pagmamahal sa isang tao. Hanggang sa kamatayan, pinatunayan niya na wagas ang kanyang nararamdaman.
Ang rosas ay simbolo ng wagas na pag-ibig at madalas na ibinibigay ito ng isang manliligaw sa kanyang nililiyag. Maraming mga alamat ng rosas ngunit iisa ang pangunahing paksa. Ito ay ang tungkol sa pagmamahal.
Paano nga ba nagkaroon ng rosas? Alamin sa maikling alamat ng rosas.
Noong unang panahon ay may isang dalagang ubod ng ganda. Ang pangalan niya ay Rosa. Siya ay may mamumula-mulang labi at pisngi. Ang kanyang buhok ay abot hanggang bewang at balingkinitan ang kanyang katawan.
Ang isa pang kaakit-akit na katangian ng dalaga ay ang angkin kabaitan at katalinuhan nito. Kaya naman, halos lahat ng mga kalalakihan sa kanilang nayon ay humahanga sa kanya.
Manliligaw na si Mario
Karamihan sa kanila ay nanligaw kay Rosa ngunit iisa lamang sa mga ito ang napusuan ng dalaga. Ang pangalan ng maswerteng lalaki ay Mario, isang matikas at magandang lalake. May marangal itong trabaho, responsable, at maasahan.
Masasabing hindi nagkamali si Rosa sa pagpili sa kanya dahil masipag at mabait ang binata. Maalaga ito kay Rosa, araw-araw na hinaharana at pinagsisilbihan. Bukod sa dalaga, pinagsisilbihan din ng binata ang mga magulang nito.
Dumating ang araw na inaya ni Mario si Rosa ng kasal. Lubos ang kasiyahan ng dalaga dahil iyon ang pinapangarap niya. Sa araw ng pamamanhikan, biglang nawalan ng malay ang binata.
Labis na nabahala si Rosa at ang kanilang mga magulang. Nang balikan ng malay si Mario, ipinagwalang-bahala nito ang nangyari at sinabing dala lamang ito ng pagod sa trabaho.
Lumipas ang mga araw at lubos na naghanda ang magtipan para sa kanilang kasal. Ngunit, may napansin si Rosa sa kanyang kasintahan. Ilang linggo bago ang itinakdang kasal, kinausap niya nang masinsinan ang kasintahan.
Malubhang Karamdaman
“Magtapat ka nga sa akin, Mario. May sakit ka ba? Napapansin ko kasing namamayat ka, laging pagod at namumutla,” aniya Rosa na pilit inaarok ang kasintahan.
Nais mang magsinungaling ni Mario ay hindi niya magawa dahil napakabait ng dalaga sa kanya. Malungkot na ngumiti ang binata at tuluyang ipinagtapat ang kanyang kalagayan.
Nalaman ni Rosa na malubha na ang sakit ng lalake. Kung gaano pa tatagal si Mario sa mundong ibabaw ay walang nakakaalam.
Sa huli’y sinabi ng binata kay Rosa, “Nais kong makipagkalas sana sa iyo upang makahanap ka ng lalakeng kaya kang samahan habang buhay. Isa lalakeng mamahalin ka, katulad ng pagmamahal ko sa iyo.”
Tuloy Ang Kasal
Tumanggi si Rosa at sinabing si Mario lang ang minamahal. Kaya niyang pagsilbihan ang lalake kahit anupaman ang sakit nito. Nais niyang makasama ito hanggang sa huling hininga nito.
Natuloy ang kasal. Pinagsilbihan nga ni Rosa ang kanyang asawa hanggang sa ito ay malagutan ng hininga. Labis na nagdalamhati ang babae sa pagkawala ng kanyang pinakamamahal kahit na sabihing handa na siya.
Kaya naman, nagkasakit si Rosa sa labis na kalungkutan. Bago siya pumanaw, hiniling niya na ilibing din siya sa tabi ng kanyang namayapang asawa. Maraming naantig at namangha sa tatag ng pag-ibig ni Rosa.
Halaman sa Puntod
Hindi naglaon isang halaman ang tumubo sa tabi ng puntod ni Rosa. Lumipas ang mga araw at namulaklak ang halaman. Lahat ay nabighani sa angking ganda at halimuyak ng bulaklak.
Kakaiba ito sa lahat ng mga bulaklak sa nayon. Dahil sa ganda ng halaman, inihalintulad ito ng mga tao kay Rosa. Naalala rin ng lahat ang labis na pagmamahal nito sa kanyang asawa.
Kaya’t mula noon ay pinangalanan ang halaman na rosas. Isang kapitbahay ni Rosa ang kusang nagpadami nito sa kanyang bakuran.
Sa tuwing manliligaw ang mga kalalakihan sa lugar ni Rosa, nakagawian nang kumuha ng isang tangkay ng bulaklak upang ialay sa babaeng nililiyag. Ibig sabihin nito’y wagas at tapat ang inaalay na pag-ibig.
Aral sa Alamat ng Rosas
Ang wagas na pag-ibig ay hindi nasusukat sa tagal ng pagsasama ng dalawang nagmamahalan. Marami ang puwedeng basehan at isa na rito ang pagsisilbi sa taong mahal mo sa hirap at ginhawa.
Nasusukat din ito sa kalidad ng nararamdaman ng isang tao at kung gaano siya kahanda na harapin ang anuman problemang dumating kahit ang katumbas nito’y ang makapiling siya sa kabilang buhay.