MGA NILALAMAN
Alamat ng Bulaklak
Ang alamat ng bulaklak ay tungkol sa isang raha, ang anak nitong prinsesa, at ang hardinero na lihim na inibig ng prinsesa. Dahil sa pagiging istrikto ng raha, nawala sa kanya ang anak.
Marami ang mga alamat ng bulaklak. Isa na rito ang alamat ng rosas at ang alamat ng sampaguita. Sa kwentong ito, matutunghayan ang kuwento ni Prinsesa Bulak.
Ang Prinsesang Napakaganda
Nang ipinanganak ang prinsesa ay maputi na ang kanyang buhok. Kasimputi ng bulak kaya’t isinunod sa kanya ang pangalang iyon.
Lumaking napakaganda ni Prinsesa Bulak at may busilak na puso. Bukod doon, nakahiligan niya ang pagsusuot ng makukulay na damit at ang pamamalagi sa hardin.
Ang Hardinero
Noong nagdalaga na si Prinsesa Bulak, naisipan ng raha na kumuha ng hardinero. Nais ng hari na mapanatiling maganda ang hardin na laging tambayan ng prinsesa.
Sa lahat ng mga hardinero, si Lakal ang nagustuhan ng hari dahil sa kakaibang kasanayan nito. Marunong gumawa ng pabango ang binata.
Ang Lihim na Pag-iibigan
Nagkapalagayang loob si Prinsesa Bulak at si Lakal. Namuo ang isang lihim na pag-iibigan. Kahit gustong magtapat ni Lakal sa raha ay ayaw naman ng prinsesa.
Natatakot kasi ang prinsesa sa maaaring gawin ng kanyang amang raha. Baka palayasin nito si Lakal at hindi na niya makita.
Ang Kinatatakutan
Nangyari ang kinatatakutan ng prinsesa. Nalaman ng raha ang kanilang pag-iibigan. Sobrang galit na galit ito. Para sa raha, ang kanyang prinsesa ay nararapat lamang sa isang prinsipe o raha ding katulad niya.
Inutusan niya ang ilang mga kawal na lihim na dakpin ang hardinero. Pinahintulutan niya ang mga kawal na saktan si Lakal at iwan sa kagubatan hanggang sa mamatay.
Hinagpis ng Puso
Hindi alam ng prinsesa ang lihim na pagdakip kay Lakal kaya’t nagpunta pa rin siya sa kanilang lihim na tagpuan. Hindi dumating si Lakal ngunit hindi nawalan ng loob ang prinsesa.
Muli siyang naghintay kinabukasan at sa mga sumunod pang mga araw. Isang araw, nagpaalam ang raha na aalis ng ilang araw dahil may susugurin silang kampo ng tulisan. Naawa at nagsabi ng totoo ang isang kawal sa prinsesa.
Umiyak nang husto ang prinsesa nang malaman ang katotohanan. Dala ang mga pabangong alaala ng kasintahan, umalis ang dalaga upang hanapin si Lakal.
Ang Pag-asa sa Puso
Umaasa si Prinsesa Bulak na maaring buhay pa si Lakal. Base na rin sa kuwento ng kawal, hindi naman daw nila sinaktan ang binata. Kaibigan kasi ni Lakal ang mga kawal dahil marunong itong makipagkapwa-tao.
Sa kanyang paghahanap, humantong siya sa isang masukal na parte ng kagubatan. Doon niya narinig ang isang umuungol na lalake na kaboses ni Lakal.
Ang Pagkabigo
Agad niya itong pinuntahan. Naroon nga si Lakal at naghihingalo. Marami itong mga sugat. Nalaman niya mula sa binata na hindi ito umalis sa kagubatan. Bagkus, ginawa nitong tahanan ang kuwebang malapit sa kaharian.
Naghihintay lamang ito ng pagkakataon para bumalik sa palasyo at patunayan nito ang pag-ibig sa dalaga. May mga mababangis na hayop ang sumugod habang ang binata ay nangangalap ng pagkain.
Gamit ang buong lakas, hinila ni Prinsesa Bulak ang binata patungo sa kuweba. Doon niya pinagyaman ang kasintahan ngunit dahil sa impeksyon ng mga sugat ay namatay din ang binata.
Mga Pusong Nangungulila
Labis na nangulila ang prinsesa sa pagkamatay ng kasintahan. Dahil sa pag-aalaga niya sa kasintahan, maging siya ay dinapuan ng misteryosong karamdaman.
Para sa dalaga, wala nang saysay ang kanyang buhay kaya’t pinili niyang mamatay na lamang sa ganoong kalagayan. Sa puntod ni Lakal, doon siya binawian ng buhay na yakap-yakap ang mga pabangong tanging alaala sa kasintahan.
Nang bumalik ang raha pagkatapos ang digmaan, agad na hinanap nito ang anak na lumisan. Nais mang magsisi ay wala na siyang magagawa.
Misteryosong Halimuyak
Lumipas ang buwan hanggang sa naging taon. Hindi tumigil ang raha sa paghahanap sa kanyang anak. Bagama’t alam niya sa puso niyang maaring patay na si Bulak ay hindi siya nawalan ng loob.
Ang nais niya lamang ay makita ang bangkay nito kung sakaling patay na nga ang kanyang nag-iisang anak.
Isang araw, naamoy ng raha ang isang pambihirang halimuyak nang siya ay nagpapahinga sa kagubatan kasama ang kanyang mga kawal.
Pamilyar sa kanya ang amoy na iyon dahil iyon ang mga pabangong gawa ni Lakal. Agad niyang inutusan ang lahat na kalugarin ang buong kagubatan.
Makukulay at Mababango
Lahat ay isinigaw ang pangalan ni Bulak. Humantong ang raha sa kuweba kung saan namatay sina Lakal at Bulak. Doon ay sumidhi ang halimuyak. Sa pag-sigaw ng raha ay umaalingawngaw ang huling bigkas.
Tumambad sa raha ang mga hilera ng makukulay na halaman nang ilawan niya ang buong kuweba. Napakabango ng buong paligid. Nalungkot ang raha nang makita ang mga kulay ng halaman.
May puti, pula, dilaw, kahel at lila. Ito ang mga kulay na huling suot ng kanyang mahal na prinsesa. Ang puti naman ay nagpapaalala sa buhok ni Bulak. Ipinalipat ng raha ang mga halaman sa palasyo.
Bilang pag-alala sa kanyang anak, tinawag niyang bulak ang mga halaman. Kaya naman naging bulaklak dahil sa alingawngaw ng huling bigkas noong tinawag ng raha ang kanyang anak.
Aral sa Alamat ng Bulaklak
Huwag magpadalos-dalos sa mga desisyon dahil maaring iyon ang magpapahamak sa iyo.