Alamat Ng Palendag

ALAMAT NG PALENDAG:

***TUKLASIN SA IBABA***

Alamat ng Palendag

Ang alamat ng palendag ay kuwento ng isang dalagang nabigo sa pag-ibig. Alamin kung paano nabuo ang instrumentong pang-musika ng mga Magindanao.

Noong unang panahon, may dalagang umibig sa isang binata. Ang dalagang ito ay ubod ng ganda. Siya ay labis na hinahangaan dahil na rin sa kanyang angking talino sa paghahabi.

Pusong Nag-iibigan

Sa kabutihang palad, ang iniibig ng dalaga ay iniibig din siya subalit ang lahat ng ito ay lihim lamang. Bawal kasi ang magligawan noon. Gayunpaman, wagas ang kanilang pagmamahalan kahit na ito’y palihim lamang.

Pangako ng Puso

Isang araw, pinatawag ng datu ang binata. Binigyan nito ang binata ng isang misyon. Nais mang tumutol ng binata ay wala siyang magawa. Isa lamang siyang hamak na kawal.

Bago lumisan ang binata, nagawang mag-usap ng magkasintahan sa pamamagitan ng isang kaibigan. Nangako ang isa’t isa na maghihintay at magmamahalan ng wagas.

Pagsusulatan

Madalas ang pagdating ng mga sulat ng dalaga mula sa binata sa unang buwan ng kanilang pagkakahiwalay. Ang bawat sulat ay may kalakip ng pagmamahal at mga pangako.

Hindi naglaon, dumalang ang pagsulat na iyon. Hindi iyon dinamdam ng dalagang mananabi dahil alam niyang nasa digmaan ang mahal na kasintahan. Ang madalang na pagsulat ng kasintahan ay tuluyang  nahinto.

Pagkabigo

Nabahala ang dalaga dahil kahit na anumang sulat ang ipadala niya ay walang sagot mula sa binata. Hanggang isang araw, nalaman niya sa kanyang pinsan na ikinasal na pala ang binata sa iba.

Labis na dinamdam ng dalaga ang balita ngunit hindi niya ipinakita ang kanyang pagluha. Wala naman kasing nakakaalam bukod sa kanila at ilang piling kaibigan ang kanilang pagmamahalan.

Pagluha ng Puso

Maraming oras ang inuubos ng dalaga sa paghahabi. Doon niya ibinuhos ang kanyang kalungkutan. Sa tuwing siya ay mag-isa sa kanyang paghahabi, lihim na tumutulo ang kanyang luha sa labis na kalungkutan. Ang mga luhang iyon ay pumapatak sa kawayang ginagamit niya sa paghahabi.

Matagal na panahon ang lumipas. Ang mga luha niya ay nagdulot ng dalawang butas na ilang pulgada lamang ang layo sa isa’t isa. Aksidente niyang nahipan ang kawayan na siyang nagdulot ng napakaganda ngunit malungkot na tunog.

Mula noon, inaliw ng dalaga ang sarili sa pagtugtog ng instrumento bukod pa sa paghahabi. Ito ay ang unang instrumentong palendag na ang ibig sabihin ay paghikbi.

Aral sa Alamat ng Palendag

Masakit man ang mabigo sa pag-ibig pero sa paglipas ng panahon matutunan din ang pagtanggap sa kabiguan.