MGA NILALAMAN
Alamat ng Makahiya Buod
Ang alamat ng makahiya ay tungkol sa isang mag-asawa na may isang anak. Ang anak nila ay sobrang mahiyain.
Noong unang panahon, may mag-asawa na biniyayaan ng isang anak. Ang pangalan nila ay Mang Dodong at Aling Luding. Maria naman ang pangalan ng kanilang anak.
Mahiyaing Maria
Maalwan ang buhay ng pamilya kaya’t naibibigay nila ang lahat ng gusto ng kanilang anak. Subalit, masyadong mahiyain si Maria. Parang takot pa nga yata ito sa mga tao.
Ang tanging kinahiligan ni Maria ay ang magtanim ng halaman. Kaya’t ginawan siya ng hardin ng kanyang ama.
Mga Magnanakaw
Isang araw, may mga nakawang naganap sa karatig bayan kung saan nakatira sina Mang Dodong at Aling Luding. Nakarating sa mga magnanakaw ang tungkol sa mayamang mag-asawa at ang mahiyain ngunit magandang anak nila.
Matapos nilang nakawan ang mga bahay-bahay sa karatig bayan ay nakarating sila sa bayan nina Maria. Malayo pa lang ay natanawan na ni Mang Dodong ang mga magnanakaw.
Inihanda niya ang mga gamit pangdepensa. Agad niyang ibinilin sa asawa na itago sa pinakaliblib na bahagi ng hardin si Maria.
Ngunit mas marami ang bilang ng mga bandido. Kaya naman hindi na niya nagawang kalabanin pa ang mga grupo. Walang awang hinampas ng mga bandido si Mang Dodong. Dahilan para mawalan siya ng malay.
Dasal ng Kaligtasan
Nagdasal ng taimtim si Aling Luding na sana’y mailigtas mula sa mga bandido ang dalaga nila. Nais sanang tumakas ni Aling Luding ngunit hindi na niya nagawa. Pati siya ay hinampas sa ulo.
Kinuha lahat ng mga magnanakaw ang mga pera at gamit sa bahay nina Mang Dodong at Aling Luding. Hinalughog nila ang buong bahay pati ang hardin dahil gusto nilang kunin ang anak ng mag-asawa.
Nakita nila si Maria sa liblib na bahagi ng hardin. Takot na takot siya. Sa kabila ng lahat ay nagawang magdasal ang dalaga para sa kanyang kaligtasan.
Narinig ni Bathala ang kanyang dasal. Sa harapan ng mga bandido ay nagpalit anyo si Maria. Naging halaman siya na may tinik ang mga tangkay. Nahintakutan ang mga bandido at kumaripas ng takbo palayo sa lugar na iyon.
Kakaibang Halaman
Nang maalimpungatan ang mag-asawa ay agad nilang hinanap si Maria. Hindi nila ito makita. Sa kanilang paghahanap, nahagip ng mga paa ni Mang Dodong ang isang kakaibang halaman.
May mga tinik ang tangkay nito at maliliit ang mga dahon. Namangha si Mang Dodong dahil sa tuwing hahawakan niya ang mga dahon ay kusang tumitiklop ang mga iyon.
Nalungkot si Mang Dodong. Hindi kaya ang anak niya ito? Dahil katulad ng halaman, mahiyain din si Maria. Pinagmasdan niya ang mga bulaklak ng misteryosong halaman. Kakulay ng huling suot ng kanilang anak.
Tinawag niya si Aling Luding para ipakita ang halaman. Ipinakita niya sa asawa kung paanong tumitiklop ang mga dahon ng mga halaman.
Katulad ni Mang Dodong, naisip din ni Aling Luding na marahil si Maria ang bagong halaman sa hardin. Natuwa sila dahil hindi nasaktan si Maria. Ngunit, nanaig ang lungkot dahil hindi na nila makakasama ang anak.
Nagpasalin-salin ang kuwento at ang halaman ay tinawag na makahiya.
Aral sa Alamat ng Makahiya
Huwag maghangad sa yaman ng iba. Ang pagnanakaw ay masama. Nagdudulot ito ng ibayong sama ng loob at pagkatakot sa mga taong nanakawan.