Alamat Ng Palay

ALAMAT NG PALAY:

***TUKLASIN SA IBABA***

Alamat ng Palay

Ang alamat ng palay ay tungkol sa pinagmulan nito. Hindi maganda ang unang pagkikita ng mga katutubo at ng mga bathalang nagbiyaya nito. Subalit sa pagpakumbaba ng mga katutubo, biniyayaan pa rin sila.

Noong unang panahon, wala pang palay sa kapatagan. Nabubuhay ang mga katutubo sa pangangaso sa kagubatan at kabundukan at pangigisda sa ilog at sapa.

Mahiwagang Baboy Ramo

Isang araw, may mga katutubong nangubat. Isang baboy ramo ang kanilang namataan at iyon ay kanilang hinabol. Maliksi ang baboy ramo at ito’y tumakbo nang makitang papalapit ang mga katutubo.

Nasibat ng isa ang hayop. Kitang-kita nila na natamaan ang baboy ramo sa katawan. Subalit nagawa pa rin nitong makatakbo sa isang puno ng balete. Doon ito tuluyang nawalan ng ulirat.

Lalapitan na sana ng mga katutubo ang hayop nang bigla itong maglaho. Napakamot sila dahil hindi nila alam kung namalikmata lamang sila.

Kapaguran

Masyadong nahapo ang mga katutubo sa kanilang paghabol kaya’t nagpahinga muna sila. Dahil nababalitaan nilang mahiwaga ang lugar na iyon, taimtim silang umusal na sana’y walang mangyaring masama sa kanila.

Sa kanilang pamamahinga, may dalawang grupo ang biglang nagpakita sa hindi kalayuan. Ang isa ay pawang mga lalake at ang isa naman ay pawang mga babae. Mabilis ang paglapit ng mga ito sa kanila.

Mahiwagang Grupo

Ang pinakalider ng mga katutubo ay ang humarap sa grupo. Alam nilang ito ang mga malignong sinasabi ng karamihan base na rin sa kaanyuan ng mga ito.

Ang mga lalake ay makikisig. Ang mga babae naman ay magaganda at mahahabang buhok. Sila ay nakasuot ng puti. Taliwas sa alam ng karamihan, ang mga babae at mga lalake ay mga bathalang nag-anyong tao.

Napansin nilang tila nakaangat ang mga paa ng ito. Agad na sinenyasan ng lider ang  kapwa niya katutubo na tumayo at magbigay galang.

Paumanhin

Isa sa babae ang nagtanong kung anong ginagawa nila sa lugar na iyon. Agad namang sumagot ang lider at sinabing meron silang hinabol na baboy ramo.

Nasibat nila ito at tila bulang naglaho. Ang isa sa mga lalake naman ay sinabi nitong madaming baboy ramo doon subalit hindi nila pinapatay.

Nagpaumanhin ang lider at ang mga kasama nito dahil sa kanilang nagawa. Mabait ang mga bathala kaya’t pinatawad naman nila ang mga katutubo.

Regalo

“Para hindi na kayo sumibat ng mga baboy ramo dito sa kabundukang ito, mayroon kaming nais ibigay sa inyo. Kaya’t inaanyayahan namin kayo sa aming lugar upang kuhanin ang regalong iyon.” Aniya ng isa sa kanila.

Agad namang sumang-ayon ang mga katutubo. Namangha sila nang sapitin ang lugar na sinasabi ng mga bathala. Sa gitna, nakita nila ang isang mesang puno-puno ng sari-saring pagkain.

May prutas, inihaw na karne, at isda. Sa isang parte, naroroon naman ang mga biyas ng kawayan na tila niluluto sa ibabaw ng baga at apoy.

Piyesta

Parang piyesta sa dami ng pagkain. Nag-alangan man ay dumulog na rin sila sa hapag-kainan. Sa harap nila, biniyak ng isang bathala ang mga biyas ng kawayan. Itinaktak niya iyon sa dahon ng saging.

Inihandog ng lalake ang kulay puting pagkain sa mga katutubo. Tumanggi sila dahil iyon ang unang pagkakataon na nakita nila ang ganoong pagkain. Sa tingin nila ay tila uuod na puti ang pagkain.

Ngumiti ang mga kasalo ng mga katutubo. “Ito’y galing sa palay. Masarap ito at makakapagbigay sa inyo ng karagdagang sustansya at lakas.” Aniya ng isang babae.

Naengganyo din ang mga katutubo na kumain na rin dahil nakita naman nilang tila masarap ang kinakaing puting pagkain.

Gintong Bunga

Pagkatapos nilang kumain, inanyayahan ng isa sa mga bathala ang mga katutubo na tingnan kung saan nanggagaling ang puting pagkain na iyon.

Napanganga sila nang makita ang mala-ginto at malawak na bukid. Ipinaliwanag ng bathala na kailangang itanim, alagaan ng ilang buwan, at anihin pagkatapos.

Pagbabalik sa Kapatagan

Sa kanilang pamamaalam, binigyan ang mga katutubo ng sapat na bilang ng butil upang mag-umpisa ng bukirin. Nagpasalamat sila sa mga bathala at naglakbay na pababa ng bundok.

Nang mga ilang metro pa lang ang layo nila, lumingon ang mga katutubo upang muling magpaalam. Kaya lamang, wala na silang nakita kundi ang masukal na kagubatan.

Sinubukan nilang balikan ang pinanggalingan subalit wala na roon ang mala-piyestang pagtitipon. Isang madilim na kagubatan at mga baboy damong nagtatakbuhan ang kanilang nakita.

Agad silang umalis sa lugar na iyon. Sinunod nila ang mga sinabi ng mga bathala nang makarating sila sa kanilang munting tribu. Doon nag-umpisa ang pagdami ng palay sa kapatagan.

Aral sa Alamat ng Palay

Magpasalamat sa biyayang hatid ng Inang kalikasan.