MGA NILALAMAN
Alamat ng Aso
Ang alamat ng aso ay tungkol sa taong hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Dahil sa isang bawal na gawain, nagawang iwan ng ina ang kanyang mga anak. Iyon ay ang naging dahilan para sila ay parusahan.
Noong unang panahon, may mag-asawang naninirahan sa kagubatan. Sila ay kilala sa pangalang Ramon at Matilda. Biniyayaan sila ng dalawang anak, sina Juan at Maryana.
Butihing Padre de Pamilya

Mabait, masipag, at matulungin si Ramon. Sinisiguro niyang may dala siyang pagkain pag-uwi para sa kanyang pamilya.
Isang araw, nakita ni Ramon ang isang lalake na puno ng sugat at walang malay sa kagubatan. Dala ng awa, binuhat niya ito at isinakay sa kanyang kalabaw upang iuwi at pagyamanin.
Isang Estranghero

Nalaman ng pamilya ni Ramon na Damaso ang pangalan nito. Ayon sa binata, pinalayas siya ng kanyang amo pagkatapos parusahan sa kanyang nagawang kasalanan.
Hindi raw kasi nabantayan ni Damaso ng husto ang lupain ng kanyang amo. Iyon ang dahilan kung bakit nasira ang mga pananim at nakawala ang mga alagang hayop ng amo. Kahit anong hingi ng tawad, ayaw na siyang tanggapin ng amo.
Mga Traydor

Dahil likas na matulungin, pumayag si Ramon na sa kanila muna tumira si Damaso. Lumipas ang araw at naghilom ang mga sugat ng binata. Lingid sa kaalaman ni Ramon, unti-unting nagkamabutihan ng loob sina Matilda at Ramon.
Kaya naman naisipan ng dalawa na lisanin ang lugar na iyon. Subalit, pinigilan sila nina Juan at Maryana. Naawa man si Matilda sa mga anak ay nanaig ang kanyang pagkagusto kay Damaso.
Trahedya sa Pamilya

Ang ilog na malapit sa tahanan nina Ramon ay ang ginamit na paraan nina Damaso at Matilda upang tumakas. Gamit ang bangkang palihim na ginawa ni Damaso sa mga nagdaang araw ay mabilis na nagsagwan palayo ang dalawang taksil.
Nagulat si Matilda nang sa malayo ay nakita niya ang dalawang anak na nagsisigaw. Lalo siyang nabigla nang tumalon ang mga ito sa ilog. Alam niyang hindi marunong lumangoy ang dalawa kaya’t naisip niyang tumalon para sagipin ang mga ito.
Bigong Pagligtas

Siya namang pagdating ni Ramon. Kitang-kita niya ang lahat kaya’t dali-dali siyang tumalon. Nakita rin ni Damaso si Ramon kaya’t pinigilan nito ang tangkang pagtalon ni Matilda.
Malakas ang ragasa ng tubig dahil sa nagdaang ulan. Kaya’t kahit magaling lumangoy si Ramon ay natangay sila ng ragasa ng tubig. Pumailalim ang mga mag-aama at hindi na muling nakaahon pa.
Sumpa ng Kasalanan

Nakita lahat ni Matilda ang mga pangyayari subalit wala siyang ginawa para tumulong. Mula sa gitna ng rumaragasang tubig, umahon ang isang batang nimpa.
Isa itong diyosa na nakita rin ang lahat ng mga nangyari. Pinarusahan niya ang dalawa.
“Dahil sa inyong masahol na ugali, kayo ay magiging hayop. Hangga’t hindi ka marunong tumanaw ng utang na loob, Damaso, ay mananatili ka sa ganyang anyo. Ikaw, Matilda, matutunan mo sanang mahalin ang iyong mga supling sa pagdaan ng mga araw.”
Ang Unang Aso

Pagkatapos, nawala ang diwata at naging hayop ang dalawa. Nagkaroon sila ng buhok sa kanilang katawan.
Gaya nga ng nabanggit ng diwata, nagsilbi ang dalawa sa mga tao. Ang babaeng aso naman ay inaalagaan nito ang kanyang mga tuta hanggang sa makakaya nito.

Aral sa Alamat ng Aso
Matutong tumanaw ng utang na loob sa taong tumulong sa iyo. Huwag pag-interesan ang asawa na ng iba sapagka’t ito ay isang malaking kasalanan at kahibangan.