MGA NILALAMAN
Alamat ng Bayabas Buod
Ang alamat ng bayabas ay tungkol sa isang sultang mapagmalupit. Hindi siya marunong maawa kaya’t siya ay pinarusahan.
Noong unang panahon, may isang sultang malupit, sakim at walang ginagalang. Ang pangalan niya ay Sultan Barabas. Nagagawa niyang parusahan ang sinuman kahit napakaliit lamang ang kasalanang nagawa.
Masamang Ugali
Bata o matanda, babae o lalake, nagagawa ng sultan na pagmalupitan. Kaya naman marami ang takot ngunit nasusuklam sa kanya.
Maaksaya din sa pagkain ang sultan. Araw-araw ay nagpapaluto siya ng napakaraming pagkain. Parang laging piyesta sa palasyo. Gayunpaman, tanging ang sultan lamang naman ang kumakain.
Kahit alam niyang gutom na gutom na ang kanyang mga kasambahay ay hindi man lang niya magawang bigyan ang mga ito ng pagkain.
Mas nanaisin pa niyang masira at mapanis ang pagkain kaysa magbigay. Dahil sa kakakain, tumaba nang tumaba ang sultan.
Taghirap sa Nasasakupan
Dumating ang taghirap sa sinasakupan ng sultan. Kaya’t ipinanukala niya na lahat ay dapat magtipid.
Sa takot na maparusahan, sumunod ang bawat tao. Dahil doon, halos isa o dalawang beses na lamang sila kumain
Ngunit hindi sumunod ang sultan sa panukala. Patuloy pa rin ang magarbong paghahanda. Wala siyang pakialam kung maubos ang laman ng kaban ng bayan.
Lalong nagalit ang mga tao kay Sultan Barabas subalit wala silang magawa. Makukulong sila kapag nagprotesta sila.
Ang Pulubi
Habang kumakain ang sultan ay may sumulpot na pulubi. Madungis, at umaalingasaw ang baho nito. Nanghingi ito ng konting pagkain sa sultan para kahit paano maibsan ang gutom.
Nagalit ang sultan dahil pinapasok ito ng mga kawal. Pinalayas niya ito at hindi binigyan ng kahit anumang pagkain. Minaliit pa niya ang pulubi.
Bago tuluyang nailayo ang pulubi ay galit na nangusap ito, “Masama ang ugali mo. Paparusahan kita upang malaman mo kung ano ang pakiramdam nang minamaliit.”
Kumidlat at kumulog. Kagyat na dumilim ang buong palasyo at naglaho ang gusgusing matanda. Nahintakutan ang mga kawal sa nangyari at kumaripas ng takbo palayo sa bulwagan.
Parusa ng Sultan
Napalabi ang sultan at ipinagwalang-bahala ang mga sinambit ng pulubi. Ipinatawag niya ang ibang kawal at iniutos na hanapin ang dalawang lapastangan na iniwan siya. Parurusahan niya ang mga ito
Pagkatapos kumain ay naglakad-lakad ang sultan sa kanyang hardin. Dahil sa sobrang kabusugan, nakaidlip siya sa duyang pahingahan. Nahimbing ang sultan.
Nagising siya kinabukasan at nagtaka siya dahil hindi niya maigalaw ang mga kamay at paa. Nakatunghay sa kanya ang pulubing inapi niya kahapon. Abot tenga ang ngiti nito.
Nagulat siya dahil isa na siyang puno at may mga bunga siya na may korona. Nagsusumigaw siya nang may napadaang alipin sa harapan niya ngunit hindi siya nito naririnig.
Bunga na May Korona
“Nasaan kaya ang sultang baboy?” tanong ng alipin sa sarili habang pumipitas ng bunga ng bagong puno. “Nakita ko lang siya dito kahapon, nagpapahinga.” Kinagat ng alipin ang bunga at agad din namang niluwa. “Ang pait! Kasing pait ng ugali ni Sultan Barabas.”
Naririnig lahat ng sultan ang mga sinabi ng alipin. Bulyaw siya nang bulyaw pero hindi siya naririnig. Sumulpot muli ang pulubi nang nakaalis na ang alipin. Sinabi nito na hindi na siya makakabalik pa bilang tao.
Bawat taong dumadaan sa kanyang harapan ay hinahanap siya at lahat sila ay walang mabuting nabanggit patungkol sa kanya.
Pagsisisi ni Sultan Barabas
Lumipas ang mga araw at unti-unting lumaki ang mga bunga niya. Sa paglipas ng mga araw ay napagtanto niya ang kanyang kamalian.
Muli ay sinubukan ng mga kawal at alipin na hanapin siya, ganoon din ang pagtikim sa kanyang bunga.
“Ang asim! Kasing-asim ng mukha ni Sultan Barabas.” bigkas ng bawat taong pipitas sa bunga ng misteryosong puno sa hardin.
Napaiyak ang sultan. Nais man niyang magsisi ay huli na ang lahat. Hindi na siya makakabalik pa bilang tao.
“Hindi kaya ang sultan ang punong ito?” sapantaha ng mga babaylan ng sultan. Dahil hindi na makita pa ang sultan ay nagluklok sila ng bago na higit na mas makatarungan at mabait kaysa kay Sultan Barabas.
At ang puno sa hardin ng dating sultan ay pinangalanang Barabas dahil sa pagkakahawig ng bunga nito sa nawalang sultan. Lumipas pa ang ilang araw at naging kulay ginto ang mga bunga ng puno.
Natuklasan ng lahat na matamis din pala ang mga bunga. Tanda iyon ng pagsisisi ng sultan. Mula noon nagustuhan na ng mga tao ang bunga ni Barabas. Kalaunan ang bigkas ay naging bayabas.
Aral sa Alamat ng Bayabas
Huwag maging sakim at malupit sa iyong kapwa kung ayaw mong kasuklaman ka. Maging totoo ka rin sa mga binitawang salita.