Alamat Ng Sampalok – PINOY LEGENDS (Wikang Tagalog)

ALAMAT NG SAMPALOK: Tuklasin ang Sampalok sa PINOY LEGENDS (Wikang Tagalog)! Filipino kids... alamin ang alamat ng sampalok at kilalanin ang donya at ang pulubi. Aral na!

***TUKLASIN SA IBABA***

Alamat ng Sampalok Buod

Ang alamat ng sampalok ay tungkol sa isang donyang matapobre. Pinarusahan siya dahil sa kanyang ugali.

Noong unang panahon, may isang donyang matapobre. Siya ay mapagmataas, walang kinikilala at mapang-api. Hindi siya marunong tumulong sa mga kapwa niya. Kapag may manghihingi ng donasyon ay lagi niyang sinasabi na wala siyang pera.

Masamang Ugali

Isang araw, naistorbo ang pagtulog ng donya ng mga nagsisigawang mga bata. Galit na galit itong bumaba ng kanyang magarang bahay. Naabutan niya ang mga batang gusgusin na nag-aagawan ng mga buto.

Sinigawan niya ang mga ito na umalis at sa uli-uli ay huwag siyang istorbohin. Hinablot niya sa mga bata ang mga buto at inihagis ang mga iyon sa kanyang bakuran habang papasok siya sa loob ng bahay.

Bungang Pinagkait

Pagkalipas ng mga linggo, nagulat ang donya dahil tumubo ang mga butong inihagis niya. Nagtaka siya dahil malaki na ang puno at hitik na hitik sa bunga. Berde pa ang mga iyon.

Pagkalipas pa ng mga ilang araw ay nahinog ang mga bungang iyon. Nagkulay ginto ang mga bunga. Tinikman ng donya ang bunga at nagulat siya sa tamis at sarap ng lasa.

Napansin ng mga bata ang punong iyon. Kaya’t ninais nilang humingi at tumikim ng mga bungang niyon. Subalit, sadyang madamot ang donya. Ipinagkait niya ang mga bunga.

Sampal at Alok

Mula sa kung saan ay sumulpot ang pulubing nagbigay ng mga buto sa mga bata. Siya rin ay nanghingi sa donya ngunit nabigo siya. Nang may malaglag na bunga mula sa sangang nakalabas mula sa bakuran ng donya ay agad na kinuha ng pulubi iyon.

Nakita iyon ng donya kaya’t dali-daling lumabas ng bakuran at sinampal ang pulubing akma sanang kakainin ang bunga. Halos maiyak ang pulubi dahil sa sakit na naramdaman.

“Sino ang may-sabi sa iyong maari mong kainin ang bungang iyan? Ako ang naghagis niyan sa aking bakuran kaya ako lang ang may karapatan sa bungang iyan.” Galit na galit na sigaw ng donya.

“Napakasama mong nilalang. Hindi mo ba alam na sa akin galing ang mga butong inihagis mo? Gantimpala ko sana sa mga bata dahil sa pagtulong nila sa akin. Dahil sa iyong kasakiman, magiging maasim ang mga bungang iyan. At, ikaw ay maghihirap sa darating na mga araw.”

Tumalikod ang pulubi. Sa paglalakad niya ay nagliliwanag ang bawat yapak niya ngunit ang donya lamang ang nakakakita ng mga liwanag na iyon. Napagtanto ng donya ang kanyang kamalian. Natakot siya sa sumpang binitawan sa kanya.

Agad na inalo ng donya ang pulubi at muling inalok ang bungang kanyang ipinagkait. Ngunit hindi na siya pinansin ng pulubi at tuloy-tuloy na naglakad hanggang sa mawala ito sa paningin ng donya.

Walang Kadala-dala

Nang mapansin ng donya na maraming mga usyusero ay binulyawan niya ang mga ito. Papalibag na isinara niya ang pintuang bakal. Kinabukasan, napansin ng donya ang mga bunga ng puno.

Nag-iba ang kulay at parang nangalawang. Pumitas siya at tinikman ang bunga. “Ang asim!” Inulit niya sa isa pang bunga at ganoon din ang lasa. Napalunok siya nang maalala ang sinambit ng matanda.

Imbes na mag-alala ay minura pa ang pulubi at isinisi rito ang nangyari sa puno. Tinatawag niya ang hardinero para sana ipaputol ang walang kuwentang puno nang bumukas ang tarangkahan ng bakuran.

Nagulat ang donya dahil wala siyang inaasahang bisita. Pumasok ang mga bandido na pawang nakasuot ng maskara. Sisigaw sana siya para humingi ng tulong ngunit isa sa kanila ang tumakip sa kanyang bibig.

Kinaladkad nito ang donya at iginapos sa puno. Nagawa pang mangbulyaw ng donya habang nililimas ng mga bandido ang lahat ng mga kayamanan niya.

Mura nang mura ang donya dahil marami sa mga gamit niya ang nabasag. Banta siya nang banta na kesyo hahanapin niya ang mga ito para bawiin ang lahat ng mga ninakaw nila.

Sa inis ng isang bandido ay binusalan nito ang donya upang tumigil sa kakasalita. Iniwan siya sa ganoong kalagayan. Mabuti na lang at may tumulong sa donya.

Imbes na magpasalamat, binulyawan at pinalayas ng donya ang taong tumulong sa kanya na tila diring-diri.

Nagkatotoo ang Sumpa

Nagkasunod-sunod ang mga insidente sa buhay ng donya. Napeste ang kanyang palayan. Nangamatay sa sakit ang kanyang mga alagang baka. Lahat ng negosyong kanyang pinalago ay unti-unting nalugi at nagsara.

Umalis ang mga kasambahay, at hardinero ng donya dahil wala na siyang maipa-suweldo. Ang tanging natira sa kanya ay ang bahay na muntik pang masunog at ang puno na may bungang isinampal at inalok niya sa pulubi.

Ang mga taong nakasaksi sa mga pangyayari sa donya ay tinawag na sampal-alok ang bunga ng puno. Hanggang sa naging sampalok ang bigkas ng karamihan. Kung nagsisi ba ang donya ay walang nakakaalam dahil umalis ito sa bayang iyon.

Aral sa Alamat ng Sampaloc

Huwag maging matapobre at sakim dahil baka ito ang maging dahilan para bawiin lahat sa iyo ang mga biyayang tinatamasa.