Alamat Ng Sibuyas

ALAMAT NG SIBUYAS:

***TUKLASIN SA IBABA***

Alamat ng Sibuyas Buod

Ang alamat ng sibuyas ay tungkol sa dalagang umibig ngunit nabigo. Hindi niya ginamit ang kabiguan upang maghiganti o manakit ng kapwa.

Noong araw, may isang manggagamot na nakatira sa paanan ng Sierra Madre. Mayroon siyang dalawang anak. Sila ay sina Buyas at Mipa.

Pagkakaiba

Maraming dumarayo upang pagpagamot. Lahat ay napapansin ang malaking pagkakaiba ng dalawa.

Marami ang nagsasabi na mas maganda si Mipa kaysa kay Buyas. Mas mahilig makihalubilo sa tao si Mipa kaysa sa Buyas. Si Buyas naman ay sensitibo, iyakin, at medyo mahiyain.

Dahil sa kanyang mga naririnig, lalong naging sensitibo at iyakin si Buyas. Hindi lamang niya ipinapakita na umiiyak siya sa tuwing ikukumpara sa kanyang kapatid.

Amang Mabait

Alam ng manggagamot na pinagkukumpara ng mga tao ang kanyang mga anak. Alam niya rin ang mga pagkakataong umiiyak si Buyas.

Pantay ang pagmamahal niya sa dalawa. Kaya’t sinisikap niyang aluin at patatagin ang loob ng kanyang panganay na si Buyas.

Mangingibig

Isang araw, may nanligaw sa isa sa mga anak ng manggagamot. Bagama’t si Buyas ang unang nakilala at nakapalagayang loob ng binata, si Mipa naman ang itinitibok ng puso nito.

Labis na nasaktan si Buyas sa kanyang nalaman. Halos araw-araw ay umiiyak si Buyas dahil sa nakikitang pagmamahalan ng binata at ng kanyang kapatid. Lalong nasaktan si Buyas nang mamanhikan ang binata.

Pagkawala

Ilang araw bago ang kasal ng kapatid, nagpaalam si Buyas sa ama na siya ay mamamasyal lamang. Hindi naman lumayo ang dalaga. Nasa likuran lang siya at nagdasal ng taimtim.

Nang araw na iyon, hindi bumalik si Buyas. Wala rin siya sa kasal ng kapatid. Naglahong parang bula ang dalaga.

Hiniling ng dalaga na sana’y maglaho na lamang subalit nais niyang maalala pa rin siya ng kanyang ama at maging kapaki-pakinabang para rito.

Bagong Halaman

Ilang buwan ang nakalipas. Napansin ng manggagamot ang bagong halaman sa likuran ng kanilang bahay. Binunot niya iyon at balak niyang ilipat sa mas magandang lugar.

Nagulat siya nang makitang may bunga ito. Hugis bilog at kuly pula. Naalala niya ang kanyang panganay na anak. Ang katangian ng bunga ay naihahalintulad niya sa anak.

Kumuha siya ng isang bunga at ang iba ay kanyang muling itinanim. Nang hiwain niya ang bunga ay natuklasan niyang nakakaiyak iyon. Lalong lumakas ang sapantaha niya na maaaring ito ang kanyang anak.

Mula noon, tinawag niyang buyas ang halaman. Sa tinagal-tagal ng panahon, naging sibuyas ang bigkas sa halaman.

Aral sa Alamat ng Sibuyas

Magparaya kung alam mong wala nang pag-asa ngunit hindi dapat isiping iyon na ang katapusan.