MGA NILALAMAN
Alamat ng Pagkawala ng mga Sirena Buod
Ang alamant ng sirena at ang pagkawala nito ay sumasalamin sa di makuntentong ugali ng isang nilalang. Alamin kung paano naging gahaman ang isa sa mga tauhan sa kuwento.
Noong unang panahon, ang mga tao at mga sirena ay mapayapang namumuhay.
Kabilugan ng Buwan
Tuwing kabilugan ng buwan, malayang nalulunoy sa mababaw na parte ng karagatan ang mga sirena. Ang mga tao naman ay hindi nangingialam dahil pagkatapos noon, isang masaganang huli ang kanilang nararanasan.
Masaganang Huli
Ang masaganang huli na iyon ay tumatagal ng isang linggo. Pagkatapos ng isang linggo, paunti-unti na lamang ang nahuhuli ng mga mangingisda.
Gayunpaman, kuntento sila dahil ang masaganang huli na iyon ay sumasapat sa kanila. Nanatiling ganoon ang sitwasyon.
Natatakot naman ang mga mangingisda na maghangad pa ng mas malaki dahil baka ikagalit ng diyos ng karagatan na si Neptuno.
Estranghero
Isang araw, isang tao ang napadpad sa aplayang iyon. Ang pangalan ay Greko. Isa siyang mangingisda sa malayong isla. Dumayo siya sa lugar na iyon dahil nabalitaan niya ang masaganang huli sa lugar na tumatagal ng isang linggo.
Nais niyang malaman kung anong sikreto ng mga tao. Nakipagkaibigan siya at nakipagkapwa-tao. Hindi naglaon nalaman niya kung bakit.
Sikreto ng Masaganang Huli
Kabilugan ng buwan, naisipan ni Greko na mamasyal sa aplaya. Doon niya napansin ang mga sirenang nagkakasiyahan sa mababaw na bahagi ng karagatan.
Agad siyan nagtungo sa bahay ng kapitan upang ibalita ang kanyang nakita. Binalewala lamang ng kapitan ang mga sinabi ni Greko.
Doon niya nalaman na talagang hinahayaan ng mga tao sa dalampasigan ang gawaing iyon ng mga sirena dahil sa biyayang dulot pagkatapos. Nagpaalam ang binata at muling nagtungo sa dalampasigan.
Mga Sirena at Sireno
Dahil sa liwanag ng buwan, kitang-kita niya sa kanyang kinatatayuan ang mga sirenang pawang magaganda at mga sirenong makikisig. Lahat ay iisa ang kulay ng mga buntot maliban sa isang nilalang. Ang buntot nito ay matingkad na pula subalit kapag tinatamaan ng sinag ng buwan ay nagiging ginto.
Ang kasiyahang iyon ay nagpatuloy hanggang sa unang pagsikat ng araw. Doon nabuo ang masamang balak ni Greko.
Nais niyang malaman kung sino ang nilalang na iyon dahil malakas ang pakiramdam niya na ito ang magiging sagot sa kanyang problema. Nais niya kasing magkaroon ng masaganang huli panghabam-buhay.
Ganid
Ilang buwan ang nakalipas. Patuloy na nagmanman si Greko at doon niya nalaman na ang sirenang kakaiba ang buntot ay ang anak ni Neptuno.
Ang pangalan ng sirena ay Ariela. Nagawa niya kasing akitin at bihagin ang dalaga dahil sa kuryusidad nito sa mga tao.
Agad niyang hinamon si Neptuno na magpakita sa kanya dahil hawak niya ang anak nito. Malakas ang loob niyang pagbibigyan ng diyos ng karagatan ang kanyang hiling.
Kahilingan
Napalunok si Greko nang magpakita si Neptuno sa kanya. Hindi niya lubos akalaing matapang ang mukha nito.
Base sa bagsik ng pagkakatingin sa kanya, maaring hindi na siya bumalik ng buhay. Ramdam ng dagat ang galit ni Neptuno. Umuuga-uga ang bangka dahil sa lakas ng hangin at alon.
Pilit na pinatapang ang binata ang kanyang boses at sinabi niya ang kanyang kondisyon. Nais niyang manatiling masagana ang huli sa karagatan kapalit ng anak nito.
“Lapastangan,” dumagundong ang boses ni Neptuno. “Ibalik mo ang aking anak at makakamtan mo ang iyon hiling.”
Katuparan sa Hiling
Ginawa nga ni Greko ang sinabi ng diyos ng karagatan. Bago pinakawalan ng binata si Ariela, narinig niya ang mahinhin ngunit malungkot na boses nito. “Pagsisihan mo ang iyong ginawa, Greko.”
Nang gabing iyon ay kabilugan ng buwan subalit walang mga sirena at sirenong nagtatampisaw sa karagatan. Sa ginawa ni Greko, iniutos ni Neptuno na lumikas ang kanyang sinasakupan sa pinakamalalim na parte ng karagatan.
Mula noon, hindi na nakita ng mga tao ang mga sirena. Ang kuwento sa mga ito ay naging alamat na lamang. Natupad ang hiling ni Greko. Araw-araw masagana nga ang huli.
Pagsisisi
Kaya nga lamang, dumating ang panahong naubos din ang mga isda sa karagatan. Naging ganid sina Greko at ang ibang mga tao.
Maging ang mga maliit na isda ay kanilang hinuhuli. Hanggang sa namatay ang dagat sa parteng iyon.
Sa paglipas ng panahon, iniwan ng mga tao ang aplayang iyon upang maghanap ng ikabubuhay. Malungkot na nakatingin si Greko sa mabining paghaplos ng alon sa dalampasigan. Naalala niya ang sinabi ni Ariela at tama ito.
Aral sa Alamat ng Sirena at ang Pagkawala Nito
Ang pagkasakim ay hindi binibiyayaan nang matagal. Darating ang panahong pagsisihan ang masamang nagawa. Maging kuntento sa kung anong meron ka.