Alamat Ng Ampalaya

Alamat ng Ampalaya Buod

Ang buod ng alamat ng ampalaya ay tungkol sa isang gulay na naghangad ng hindi sa kanya. Dahil sa kanyang nagawa, siya ay naparusahan.

Ayon sa alamat, ang mga gulay ay nakatanim sa hardin ng mga diwata. Pinagyayaman ito ng diwata ng tubig, hangin, lupa at sinag bago tuluyang pinapatubo sa daigdig ng mga tao.

Katangiang Taglay

Ang bawat gulay ay may natatanging katangiang taglay. Ang kalabasa ay may angking tamis. Ang kamatis ay may malasutla at mamula-mulang kutis at may maasim na lasa. Ang patola ay magaspang ang balat at kulay luntian.

Ang talong naman ay kaakit-akit ang angking kulay na lila. Ang labanos ay napakaputi ang balat samantalang ang singkamas ay may taglay na lutong. Ang luya naman ay labis ang anghang.

Ang ampalaya ay ang pinakabago sa lahat. Maputla at makinis ang kanyang balat at walang kalasa-lasa.

Ang Inggeterong Ampalaya

Sa tuwing magpupulong-pulong ang mga gulay kasama ng mga diwata ay laging nasa isang tabi lamang ang ampalaya. Lahat ay masayang nag-uusap at nagbibidahan sa mga taglay nilang katangian.

Unti-unti, napuno ng inggit ang puso ng ampalaya. Hindi siya nakuntento sa katangiang binigay sa kanya ng mga diwata. Nais niya ring magkaroon ng lasa tulad ng kamatis at kakaibang kulay tulad ng talong.

Kaya’t isang araw, inaalam niya kung paano magkakaroon ng mga ganoong katangian. Minanmanan niya ang mga kapwa niya gulay. At isang gabi, isinakatuparan niya ang kanyang balak.

Nakawan sa Hardin

Habang himbing na himbing ang mga gulay sa kanilang pagtulog, ninakaw ng ampalaya ang mga lasa, kulay at mga natatanging katangian ng bawat isa. Kinabukasan isinuot ng ampalaya ang lahat ng kanyang ninakaw.

Habang nagkakagulo ang lahat sa pangyayari, kampante ang ampalaya na naglakad-lakad sa gitna ng hardin. Alam niya kasi na walang makakakilala sa kanya.

Namangha ang lahat sa kakaibang gulay na sumulpot. Kaya nito ang magpalit ng kulay at lasa sa isang iglap. Ngunit, walang lihim na hindi nabubunyag.

Nang oras na nang pamamahinga, nagpaalam ang mapagpanggap na ampalaya. Isa sa mga gulay ang nagduda sa tunay na pagkatao nito kaya’t hinimok niya ang ibang gulay na sundan ang kakaibang gulay.

Nagulat silang lahat nang isa-isahing tinanggal ng kakaibang gulay ang kanyang lasa, kulay at kutis. Tumambad sa kanila ang maputlang ampalaya. Nagalit ang mga gulay sa natuklasan at agad na idinulog sa mga diwata ang kasalanang ginawa ng ampalaya.

Ang Kaparusahan

Nagalit at nadismaya ang mga diwata sa nalaman nila. Kaya ang iginawad na parusa ay makakamit lahat ng ampalaya ang kanyang mga ninakaw. Natuwa naman ang ampalaya dahil ang akala niya ay mas mainam iyon.

Subalit, maling-mali sa akala ang ampalaya. Ang gaspang at kinis ng balat ay naghalo sa kutis niya hanggang sa mangulubot. Ang anghang, tamis at asim ay naglaban sa loob ng kanyang katawan hanggang sa pumait ang lasa.

Ang kulay pula, lila at dilaw ay naghalo-halo sa kanyang kutis kaya’t naging madilim na lutian ang kinalabasan. Naiyak ang ampalaya sa nangyari sa kanyang kaanyuan ngunit magsisi man siya ay wala na siyang magagawa pa.

Aral sa Alamat ng Ampalaya

Matutong makuntento sa kung ano ang ipinagkaloob sa iyo. Ang inggit ay walang mabuting naidudulot kung gagamitin ito upang manakit ng kapwa. Bagkus, gamitin ang inggit upang pagyamanin ang sarili sa positibong paraan.