Alamat Ng Gagamba

ALAMAT NG GAGAMBA:

***TUKLASIN SA IBABA***

Alamat ng Gagamba Buod

Ang alamat ng gagamba ay tungkol sa isang batang napakahusay maghabi. Subalit, naging mayabang at mapagmataas siya. Ito ay ang dahilan kung bakit siya pinarusahan.

Noong unang panahon, may mag-asawang mahusay maghabi. Yumaman sila dahil sa angkin nilang talento. Maraming tao ang humanga at dinarayo sila upang magpagawa ng tela.

Biyaya ng Langit

Biniyayaan sila ng isang anak na babae. Siya ay si Amba. Tinuruan din nila ang bata kung paano ang maghabi. Sa tiyaga at pagtuturo nang maayos, ang bata ay naging mahusay din.

Sa katunayan, mas mahusay pa nga ang bata kaysa sa kanyang mga magulang. Kaya lalong naging tanyag ang buong pamilya.

Paligsahan

Isang araw, nagdaos ang bayan kung saan nakatira ang pamilya nila ng isang pagligsahan. Ito ay ang paligsahan ng mga taong marunong maghabi sa buong kapuluan.

Sumali si Amba dahil nais niyang patunayan na siya ang pinakamagaling. Nanalo nga siya. Dahil doon, lalong kinilala ang pamilya ni Amba sa buong kapuluan.

Pag-usbong ng Kayabangan

Subalit, naging mayabang si Amba. Lahat ng mga taong gustong matuto kung paano maghabi ay kanyang minamata.

Sinasawata siya ng kanyang mga magulang ngunit wala siyang pinapakinggan. Yumabang siya nang yumabang sa bawat paligsahang napapanalunan niya.

Ang Humamon

Sa isang banda, narinig ng diwata ng paghahabi ang mga himutok ng mga taong pinapahiya ni Amba. Maging siya ay gusto niyang turuan ng leksyon ang bata.

Kaya naman, naisipan ng diwata na hamunin sa isang paligsahan si Amba. Nag-anyo siyang matandang uugud-ugod at may katarata. Dinalaw niya si Amba sa ganoong anyo.

Nakarating sa madla ang paghamon na iyon kaya’t dinumog ang tahanan nina Amba. Maraming gustong maki-usyoso at malaman kung ano ang magiging kakalabasan ng paligsahan.

Pagkatalo

Tumaas ang kilay ni Amba nang mabungaran sa kanilang magarbong bakuran ang isang uugod-ugod na matanda. Hinamak ni Amba ang humamon sa kanya.

“Sigurado ka bang kaya mo ang humabi? Baka nga hindi ka marunong e.” Sabi ni Amba sa matanda. “O, siya, simulan na natin upang matapos na at marami pa akong gagawin.”

Sumang-ayon siya dahil may kumpyansa siya sa sarili na siya ang mananalo. Subalit, natalo si Amba. Higit na mas maganda at mas kumplikado ang ginawa ng matanda.

Hindi Matanggap

Hindi matanggap ni Amba ang kanyang pagkatalo. Inakusahan pa niya ang matanda na marahil ipinalit nito ang gawa nito sa gawa niya nang mga panahong hindi siya nakatingin.

Nangatwiran ang matanda na bakit naman niya gagawin iyon sa harap ng napakaraming tao. “Tanggapin mo na lang kasi ang iyong pagkatalo, na may mas magaling sa iyo.” Aniya matanda.

Napikon si Amba sa huling sinabi ng matanda. Sa sobrang galit at pagkapahiya sa pagkatalo ay nagawa niyang saktan ang matanda.

Kaparusahan

Nagalit ang matanda kaya’t sa harap ng madla nagbago siya ng anyo. “Dahil sa iyong kalapastanganan, parurusahan kita. Oras-oras, araw-araw, ikaw ay maghahabi subalit hindi ka na makikilala bilang tao.” Bigkas ng diwata.

Nawala ang diwata pagkawika nito sa mga katagang iyon. Unti-unti namang nakaramdam ng pagbabagong anyo si Amba. Nagkaroon siya ng walong paa. Lumiit ang kanyang katawan at tinubuan ng maliliit na balahibo.

Katulad ng sabi ng diwata, walang ginawa ang insekto kundi humabi nang humabi. Si Amba ay ang unang gagamba.

Aral sa Alamat ng Gagamba

Huwag maging mayabang sa mga tagumpay na tinatamasa. Manatiling mapagkumbaba upang ikaw ay pagpalain.