Alamat Ng Makopa

ALAMAT NG MAKOPA:

***TUKLASIN SA IBABA***

Alamat ng Makopa Buod

Ang alamat ng makopa ay kuwento ng pagkakaisa ng isang nayon at ang mapagpalang batingaw ngunit ang ibang mga tao ay nainggit at nagbalak ng masama. Alaming kung ang planong ito ay nagtagumpay.

Noong unang panahon, may isang bayan sa Ilocos ay may pinagmamalaking batingaw. Hindi man alam ng mga tao kung saan ito nanggaling ay labis pa rin ang kanilang pagpapahalaga rito.

Pagtatanim at ang Batingaw

Sa tuwing buwan ng pagtatanim ng tabako, may nakatokang pamilya na salit-salitang nagpapatunog sa batingaw. Naniniwala kasi sila na ang tunog nito ay nagdudulot sa kanila ng masaganang ani. Bukod pa doon ay masarap sa pandinig ang kaaya-ayang tunog nito.

Inggit ng Kabilang Bayan

Nakarating sa kanugnog na nayon ang masaganang tinatamasa ng kabilang bayan. Nalaman din nila na kaya’t masagana ang bayang iyon ay dahil sa batingaw na pinapatugtog maghapon

Nainggit sila dahil ang kanilang ani ay manipis bukod sa pinepeste pa. Agad na nagbalak ang mga tao sa bayang ito nang masama. Nais nilang nakawin ang batingaw. Isasagawa nila iyon sa pagbilog ng buwan.

Masamang Plano

Nalaman ng mga tao sa bayan ng may batingaw ang masamang plano. Kaya’t isang gabi bago ang tangkang paglusob, nagtakda sila ng grupo ng mga kalalakihan na magtatago ng batingaw.

Napagkasunduan ng lahat na sa kagubatan na lamang ibaon iyon dahil masukal at malawak iyon. Nagpasya ang lahat na sa gabi itago ang batingaw upang hindi makatunog ang kabilang nayon. Walang gagamit ng sulo ng ilaw para hindi mahalata at tanging ang grupong inatasan lamang ang sasama.

Pagtago sa Batingaw

Maliwanag ang gabi sapagka’t isang gabi na lang at kabilugan na ulit ng buwan. Tahimik ang buong bayan habang ang grupong inatasan ay dali-daling dinala ang batingaw sa kagubatan.

Madilim sa masukal na gubat ngunit nagawa namang ibaon ng mga kalalakihan ang batingaw. Iyon lamang ay hindi na nila nagawang matandaan kung saan ang eksaktong lokasyon.

Kaguluhan at Kabiguan

Ilang oras ang nakalipas dumating ang mga taga-kabilang nayon. Naghari ang kaguluhan dahil hindi nila makita ang batingaw. Lahat ay sinasaktan nila subalit walang sinuman ang nagsalita. Bigo ang taga-ibang nayon sa kanilang pakay.

Bagama’t nagtagumpay ang nayon na nagmamay-ari ng batingaw na itago ito, nabigo naman silang hukaying muli ito. Hindi na matandaan ng grupong nagtago niyon ang lokasyon.

Paglipas ng Taon

Lumipas ang mga buwan at hanggang sa maging mga taon. Nakalimutan ng lahat ang tungkol sa batingaw. Labis man silang nalungkot sa pagkawala nito nang hindi sinasadya ay wala naman silang magagawa.

Hanggang sa isang araw, may mga kadalagahan ang napadpad sa bahaging pinagbaunan sa batingaw. Napansin nila ang isang punong may mapupulang bunga at tila kopa ang hugis. Sinubok nilang sungkutin ang bunga at kinain.

Unang Makopa

Nagulat sila sa tamis ng mga bunga. Dali-dali silang bumalik sa nayon at isinisigaw ang “may kopa sa kagubat.” Umiral ang kuryuasidad ng mga tao.

Binalikan nila ang tinutukoy ng mga dalaga. Dahil sa hugis ng mga bunga, naisip ng mga matatanda na hukayin ang kinaroroonan ng batingaw. Hindi nga sila nagkamali. Doon nga naitago ang mapagpalang batingaw.

Nagdiwang ang mga tao sa natuklasan. Muli nilang ikinabit ang batingaw at ibinalik ang kanilang naging tradisyon. Ang puno ay tinawag na may kopa at hindi naglaon ay naging makopa ang bigkas.

Aral sa Alamat ng Makopa

Ang ganid na tao ay hindi pinagpapala. Ang bayanihan ay patungo sa kaunlaran.