MGA NILALAMAN
Alamat ng Maria Makiling Buod
Ang alamat ng Mariang Makiling ay tungkol sa dalagang nababalutan ng misteryo. Alamin kung si Maria Makiling ay isang diwata o ordinaryong mamamayan.
Noong unang panahon, marami ang nagsasabing nakikisalamuha si Mariang Makiling sa mga tao. Si Mariang Makiling ay isang dalaga na namumuhay sa bundok ng Makiling. Marami ang nagsasabi na siya ang nagmamay-ari sa bundok.
Sino nga ba si Mariang Makiling
Marami na ang nakapagsabing nakita na nila si Mariang Makiling. Subalit ang mga kuwentong ito ay magkakaiba. May nagsasabing nakatira ito sa malapalasyong tahanan. Meron naman, siya raw ay nakatira sa isa lamang hamak na kubo.
Sa lahat ng kuwento ng pinagmulan ni Maria, iisa ang deskripsyon sa kanya. Si Mariang Makiling ay ubod na ganda, balingkinitan ang katawan, at mahaba ang kanyang buhok.
Diwata o Ordinaryong Tao
Maraming haka-haka ang nakapaligid sa pagkatao ni Maria. May nagsasabing isa siyang diwata. Meron naman nagsasabi isa lamang siyang hamak na taga-barrio.
May mga taong nakakita kay Maria na tila lumulutang habang namimitas ng bulaklak o kaya naman namamasyal lamang. Mahilig din siyang magpatugtog ng plauta na animo’y tunog lamang ng mabining hangin.
Kabutihang Nagawa
Mabait at matulungin si Mariang Makiling sa mga taong nakatira sa paanan ng bundok. Pinahihiram ng diwata ang mga tao ng mga kasuotan at mga kasangkapan. Kapalit noon, dapat mag-alay ng manok ang mga humihiram.
Subalit, ang mga pagtulong na ito ay natigil. Nagsawa si Maria sa pagtulong at hindi na kailanman nakihalubilo. Ang mga tao kasi ay hindi marunong magsauli o dili naman ay hindi nag-aalay.
Gayunpaman, marami pa ring misteryosong bumabalot sa Bundok ng Makiling. May nagsasabing naroroon pa rin si Maria, binabantayan ang kalikasan laban sa mga taong mapagsamantala.
Aral sa Alamat ng Mariang Makiling
Ang anumang hiniram ay dapat isauli sa may-ari dahil maaaring kakailanganin din ito ng nagpahiram. Kahit pa sabihing maalwan ang buhay ng taong nagpahiram, kailangang ibalik ang anumang hiniram.